Gabay at oportunidad para sa kabataan
- BULGAR

- 14 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 23, 2025

Halos sunud-sunod na naman ang mga balita tungkol sa mga kabataang nasasangkot sa rambol lalo nang mag-umpisa ang Simbahang Gabi.
Sa halip na silid-aralan at ligtas na komunidad, sila'y nasa lansangan gumagawa ng karahasan.
Hindi ito simpleng usapin ng disiplina; ito'y palatandaan ng kakulangan sa gabay, oportunidad at maagap na aksyon ng pamahalaang lokal.
May mahalagang papel ang Local Government Units (LGUs) sa pagharap sa problemang ito. Sila ang pinakamalapit sa komunidad—alam nila kung saang barangay ang mataas ang panganib, kung sinu-sino ang mga kabataang nangangailangan ng tulong, at kung anong mga programa ang epektibo. Gayunman, kung umaaksyon lang kapag may nasaktan o may nangyaring insidente, patuloy na mauulit ang problema.
Kailangang palakasin ang preventive programs: after-school activities, sports at arts programs, at skills training na nagbibigay ng direksyon at pag-asa sa kabataan.
Buhayin ang ugnayan ng paaralan, barangay at magulang upang maagang matukoy ang mga batang naliligaw ng landas.
Tiyakin din ang maayos at makataong pagpapatupad ng batas, na nakatuon sa rehabilitasyon at hindi lamang parusa.
Hindi rin maaaring kalimutan ang ugat ng problema—kahirapan, kawalan ng trabaho ng magulang, at kakulangan ng ligtas na espasyo para sa kabataan. Dito dapat pumasok ang malinaw na plano at sapat na pondo ng LGUs.
Maunawaan sana natin na ang kabataan ay hindi problema; sila ay yaman. Ngunit kung pababayaan, ang yaman ay maaaring maging panganib—hindi dahil sa likas na masama, kundi dahil sa kakulangan ng gabay at oportunidad.
Panahon na upang kumilos ang LGUs. Ang kinabukasan ng komunidad ay nakasalalay sa kinabukasan ng kabataan.






Comments