top of page
Search
  • BULGAR

Fire Horse, ‘di dapat mawala ang pokus sa isang layunin para ‘di mabigo sa buhay

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 4, 2020


Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Horse ngayong Year of the Metal Rat.

Alalahaning ang Horse o Kabayo ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento. Ang iba’t ibang uri ng Kabayo base sa taglay niyang elemento ay ang mga sumusunod:


  • Metal Horse o Bakal na Kabayo - silang mga isinilang noong 1930 at 1990

  • Water Horse o Tubig na Kabayo - silang mga isinilang noong 1942 at 2002

  • Wood Horse o Kahoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1954 at 2014

  • Fire Horse o Apoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1966

  • Earth Horse o Lupa na Kabayo - silang mga isinilang noong 1978 at 1938

Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang magiging kapalaran ng Metal Horse, Water Horse at Wood Horse. Gayunman, sa pagkakatong ito, dadako tayo sa ika-apat na uri ng Horse base sa taglay niyang elemento at ito ay ang Fire Horse o ang Apoy na Kabayo.


Sinasabing ngayong 2020, sa aspetong career at kabuhayan, malalaking halaga ng salapi ang iyong kikitain sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa lipunan at kung kani-kaninong mga tao. Bagama’t mahirap pa ring lumabas ng bahay ngayong may Covid-19 pandemic, tunay ngang para sa kapalaran, ang pakikisalamuha sa lipunang iyong kinabibilangan ang higit na magpapalakas at mapapaunlad nang husto sa kabuhayan at career mo. Sa kabilang banda, kahit tumotodo pa ang iyong pag-asenso sa career at kabuhayan sa kalagitanaan hanggang sa huling quarter ng taong ito, dapat mo ring ingatan ang iyong kalusugan upang mapanatili ang masarap at maunlad na buhay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, patuloy na magiging panatag at maligaya ang aspetong pandamdamin. Bagama’t may mga tampuhan at hindi pagkakaunawaang magaganap, ito naman ang siya pang magsisilibing paraan ng tadhana upang lalo pang tumibay at maging matatag ang pakikipagrelasyon. At sa sandaling bumuti-buti na ang kalagayan ng mundo sa panahong kontrolado na pandemya, mas mainam na ngayon pa lang ay ihanda n’yo na ang plano para sa pamamasyal at parerelaks sa malayong lugar na makapagdaragdag upang lalo pang lumigaya ang inyong relasyon dahil habang maligaya ang relasyon, mas maraming suwerte at magagandang kapalaran ang ipinapangako ng 2020.


Sa pangkalahatan, ituloy mo lang ang lahat ng mga plano mo sa buhay na naantala nitong nagdaang lockdown dahil ngayong 2020, anuman ang maluluho at malalaki mong pangarap ay tiyak na ipagkakaloob sa iyo ng langit dahil para sa Apoy na Kabayong tulad mo, itinakda ng tadhana na lumaki at lumawak ang sakop mo.


Isa lang ang dapat mong bantayan ngayong Year of the Metal Rat upang hindi pumalpak ang anumang diskarteng iyong ipatutupad. Iwasan mong ma-scattered o kung saan-saang gawain at larangan matuon ang iyong enerhiya at oras. Sa sandaling nawalan ka ng konsentrasyon sa iisang depenidong gawain, ito ang maaaring magdala sa iyo sa tiyak na kalungkutan at kabiguan ng buhay.


Tandaan, ang pagkakaroon ng isang layunin at tapusin muna ito kasabay ng dati mong pagkakaroon ng lakas ng loob, walang alinlangan sa ganyang diskarte dahil tiyak na ang tuluy-tuloy na ligaya at malaking tagumpay sa buong 2020.

Itutuloy

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page