“Filipinx” palit sa "Filipino", pasok sa dictionary.com
- BULGAR
- Sep 6, 2020
- 1 min read
ni Thea Janica Teh | September 6, 2020

Opisyal nang kinilala ng online dictionary na dictionary.com ang salitang “Filipinx” at iba pang impormal na katumbas ng “Pinxy” para tawagin ang isang mamamayan sa Pilipinas.
Madalas nating gamitin ang salitang “Filipino” o “Filipina” depende kung lalaki ba o babae ang ating tinutukoy. Ngunit ngayon, mas pinasimple at iisa na lamang ang tawag sa mga ito.
Ayon sa dictionary.com, ang “Filipinx” ang tawag sa mga taong ipinanganak sa Pilipinas, babae man o lalaki ang kasarian nito. Pinalitan ang letrang “o” at “a” ng “x” upang magamit kahit kanino. Ito rin ay matagal nang ginagamit ng mga Pinoy sa Amerika.
Nagustuhan ito ng director ng Sentro ng Wikang Filipino sa University of the Philippines— Diliman na si Mykel Andrada.
Aniya, “Magandang hakbang na nagkakaroon tayo ng recognition at ng consciousness-raising hinggil sa mga gender neutral na mga word.”
Bahagi naman ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Commissioner Arthur Casanova, tanggap din ito ng kanilang ahensiya dahil tinanggal umano nito ang dibisyon sa pagitan ng babae at lalaki. Ito rin umano ay makaiiwas sa diskriminasyon.
Comments