top of page

Feeling sinusundo ng mga yumaong kaanak dahil madalas magparamdam

  • BULGAR
  • Mar 7, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 7, 2022


Dear Sister Isabel,


Labis akong nababahala ngayon dahil madalas magparamdam sa akin ang mga mahal ko sa buhay na namayapa na. Halos araw-araw ay nagpaparamdam sa akin ang aking mga magulang na matagal nang sumakabilang buhay at pati mga kamag-anak namin ay nagpaparamdam sa akin.


Hindi naman ganu’n dati dahil payapa at panatag ang buhay ko, maliban na lang nang dumating ang COVID-19 pandemic dahil labis akong naapektuhan at hirap na hirap sa kasalukuyan kasama na ang aking pamilya.


Biyuda ako at may tatlong anak na pawang musmos pa. Palagi akong kinakabahan, gayundin, madalas ay natutulala ako dahil natatandaan ko na bago namatay ang nanay ko, nagpapakita sa kanya ang tatay ko na naunang namatay, pati na rin ang mga malapit naming kamag-anak ay nagpapakita sa kanya na para bang sinusundo na siya at hindi nagtagal ay namatay ang aking ina, 10 taon na ang nakakalipas.


Malapit na ba akong mamatay? Bakit madalas magpakita o magparamdam sa akin ang mga magulang ko, pati na rin ang mga close relatives namin na matagal nang patay? Nawa’y maliwanagan ang aking isipan sa nangyayaring ito sa pamamagitan ng inyong payo at opinyon tungkol sa bagay na ito.


Nagpapasalamat,

Dolora ng Marinduque



Sa iyo, Dolora,


Maraming salamat sa pagsangguni mo at pagtitiwala na mabibigyan ko ng kaukulang payo ang iyong problema.


Una sa lahat, huwag kang mabahala, ipanatag mo ang iyong puso at kalooban. Ang mga mahal nating yumao ay physical body lamang ang nawala o namatay. Ang kaluluwa o espiritu nila ay buhay na buhay pa ring nakatunghay sa mga mahal nila sa buhay na naiwan sa daigdig at handa silang magparamdam na nandito pa rin sila upang maramdaman mo na hindi ka nag-iisa sa pakikibaka mo sa mundo. Handa silang alalayan ka.


Ang ibig sabihin ng pagpaparamdam ng nanay mo ay may biglang grasya na darating sa iyo. Alam kasi niya na naghihirap ka sa kasalukuyan. Gayundin, kung ang tatay mo ang nagpaparamdam, ito ay nagpapaalala sa iyo na handa siyang iligtas ka sa anumang gulo na darating sa buhay mo. Kung mga close relatives mo naman ang nagparamdam, ibig sabihin niyan ay dapat mong ingatan ang pakikitungo sa mga kamag-anak n’yo na akala mo ay may mabuting hangarin, ‘yun pala ay naiinggit sa iyo.


Ganyan ang ibig ipahiwatig ng mga mahal mo sa buhay na nagpaparamdam sa iyo. Hindi ibig sabihin na sinusundo ka na nila o malapit ka nang mamatay, kaya ipanatag mo ang iyong puso at kalooban.


Mahal ka ng iyong mga magulang na sumakabilang buhay na, gayundin ang mga kamag-anak mo na nagpaparamdam sa iyo. Sila ay parang guardian angels mo na handang umalalay sa iyo kapag nakikitang nahihirapan ka na sa mundong ito.

Nawa’y naliwanagan ka sa aking mga inilahad sa iyo. Ang walang hanggang pagpapala at biyaya ng Dakilang Lumikha ay sumaiyo nawa.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page