top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Feeling ‘di na lab ng mister na OFW

BULGAR
May 30, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 30, 2022


Dear Sister Isabel,


Kakauwi lang ng mister kong OFW matapos ang tatlong taon sa abroad. Napansin kong malaki ang pinagbago niya dahil sa halip na masabik siya sa aming mag-iina, ang tabang ng pakikitungo niya sa akin at sa dalawa naming anak. Akala ko ay magiging masaya kami dahil kumpleto na kami ngayon, pero hindi pala. Maging sa kama ay ibang-iba na, hindi tulad ng intimate moment namin noon.


Wala naman akong alam na may babae siya dahil tahimik siya mula nang bumalik at ‘di gaya ng dati na palabiro siya. Sinubukan ko siyang kausapin at tinanong ko kung bakit parang iba na siya ngayon, ngunit wala naman siyang ipinagtapat.


Ano ang gagawin ko? Sana ay matulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Marlene ng Batangas


Sa iyo, Marlene,


Sa palagay ko ay may mabigat na problema ang asawa mo, ngunit hindi pa niya masabi sa iyo ngayon dahil kababalik niya lamang mula sa abroad. Hayaan mo munang makapagmunimuni at makapag-isip siya, tutal, ang sabi mo ay wala ka namang alam na may babae siya. Baka naman lalaki at hindi babae ang gumugulo sa isipan niya. Puwede rin namang may iniinda siyang cancer sa katawan o napasubo o nasangkot siya sa isang ilegal na transaksiyon.


Anuman ang pinagdaraanan niya, bilang asawa, ipakita mo ang iyong suporta at pagmamahal sa kanya. Iparamdam mo na karamay ka pa rin niya sa hirap at ginhawa, gayundin, ipakita mo na nand’yan ka pa rin bilang asawa na handang makinig, anuman ang ipagtatapat niya.


Malamang, naghihintay lang siya ng tamang pagkakataon para sabihin sa iyo ang mabigat na problemang napasukan niya. Gayunman, ihanda mo ang iyong sarili, anuman ang ipagtatapat niya at bilang asawang nagmamahal, huwag mong hayaang mawasak ang pamilya n’yo. Unawain mo siya, anuman ang matuklasan mo. Alalahanin mo na ang lahat ng problema ay may kalutasan. Maging matatag ka bilang ilaw ng tahanan. Natitiyak ko na malalagpasan n’yong mag-asawa ang pagsubok na dumating sa inyong buhay.


Magdasal ka nang taimtim at diringgin ng Diyos, anuman ang iyong hilingin kung talagang nais mong ibalik ang dating masaya at maayos n’yong pagsasama. Lakip nito ang aking dalangin na bumalik sa dati ang pagmamahalan n’yong mag-asawa. Gayundin, nawa’y maging masaya, payapa at punumpuno ng biyaya ang inyong pamilya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page