Face shield, out na pero ‘wag magpakampante
@Editorial | November 17, 2021
Naglabas na ng memorandum kaugnay sa paggamit ng face shield.
Base rito, hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa Alert Level 1 hanggang 3.
Sa ngayon nasa Alert Level 2 ang Metro Manila na tatagal hanggang Nobyembre 30.
Ipinauubaya naman sa mga local government units (LGUs) ang pagpapasya ng paggamit ng face shield sa mga lugar na nasa Alert Level 4.
Nananatili namang mandatory ang face shield sa mga lugar na nasa Alert Level 5 na pinakamataas na quarantine classification at sa mga lugar na nasa granular lockdown.
Ganundin sa ospital at iba pang medical facilities.
Kaugnay ng memo, marami ang natuwa dahil bukod umano sa gastos at dagdag-kalat, takaw-aksidente pa. May mga pagkakataon umano na nililipad ang face shield at kailangan pang habulin o kaya’y sagabal sa paningin, lalo na sa malalabo ang mga mata at nakasalamin, buwis-buhay talaga.
Ang paalala lang, kahit hindi na obligadong gumamit ng face shield, sana ay hindi mabawasan ang ating pag-iingat. Huwag magpakampante, ‘wag kalimutang nasa paligid lang si ‘COVID-19’.
Pakiusap sa mga LGUs, kung maglalabas ng sariling kautusan kaugnay nito, sikapin nating maging malinaw ang detalye para hindi magdulot ng gulo.



Comments