Ex-seaman, bet mag-abroad ulit pero dapat magnegosyo dahil du’n yayaman
- BULGAR
- Feb 10, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | February 10, 2022

KATANUNGAN
Dati akong seafarer, pero ayaw ko na sanang mag-abroad dahil mahirap at malungkot sa barko. Lagpas sampung taon na akong nagba-barko, pero halos wala pa rin kaming ipon o naipundar. Nakapagpagawa nga ako ng bahay, pero may mga utang pa rin kami ngayon.
Nakapag-aral naman ang mga anak ko sa kolehiyo, pero ‘yung iba ay hindi pa rin successful at wala pa ring mga trabaho, in short, sa amin pa rin sila umaasa.
Gusto ko sanang magnegosyo dahil may naitatabi pa naman akong kaunting puhunan. Ano ang nakikita mo sa aking mga palad, puwede ba akong mag-business at magtatagumpay ba ako sa larangang ito at kung oo, ano’ng negosyo ang bagay sa akin?
KASAGUTAN
Puwedeng-puwede kang magnegosyo, Arman, dahil ikaw ay nagtataglay ng square type hand o elementary hand, na bukod sa spongy o tumatalbog-talbog kapag sinalat, kapansin-pansin ding energetic ang hilatsa ng iyong palad (Drawing A. at B. arrow a.).
Ibig sabihin, malaki talaga ang potensiyal na magtatagumpay ka sa larangan ng pangangalakal na madaling kinumpirma ng bilugan mong pangangatawan at birth date mong 17. Pero dahil ang numerong 17 ay pinaghaharian ng planetang Saturn, tingin ko, noong unang taon mo sa pag-a-abroad, marami kang dinaanang hirap at pagsubok bago mo nakuha ang maganda mong posisyon sa barko.
Ganundin ang mangyayari sa sandaling nagnegosyo ka. Sa simula, maraming pagsubok, kaya hindi ka dapat sumuko. Dahil kadugtong ng kapalaran mo ang subukin ng tadhana upang tumibay at mahinog ang iyong pagkatao at tulad ng punong-kahoy, magkakaroon ka na ng mas maraming biyaya at hitik na mga bunga.
Ang pag-aanalisang susuwertehin ka rin sa negosyo tulad ng sinuwerte kang makapag-seaman ay madali namang kinumpirma ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, basta’t tinutukan mo ang isang bagay, hindi puwedeng hindi mo ito makuha dahil tiyak mapagtatagumpayan mo ito.
Ang pag-aanalisang may suwerte ka sa negosyo ay lalo pang pinagtibay ng Mercury Line (Drawing A. at B. arrow c.), sa kaliwa at kanan mong palad. Ang Mercury Line na bihira nating talakayin ay tinginan din kung susuwertehin sa negosyo ang isang tao. Si Mercury ay “God of commerce” rin sa mitolohiyang Griego-Romano. Kaya ang sinumang may malinaw at makapal na guhit sa Bundok ng Mercury (arrow c.) ay siguradong magtatagumpay at mananagana sa larangan ng pangangalakal, higit lalo kung simple o kakaunti ang guhit ng kanyang palad, na tinataglay ng mga taong may square type hand at straight Head Line pa (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanang palad. Kung ganu’n at nagkataon pang 17 ang birth date mo, sa pagnenegosyo, yayaman ka.
MGA DAPAT GAWIN
Tama ang binabalak mong magnegosyo, Arman, at isaalang-alang mo ang mga negosyong may kaugnayan sa pagkain, agricultural products, gayundin ang mga hibla, butil, mga kinatas na bagay na galing sa halaman, halimbawa, suka, alak, asukal, alcohol, kape, bigas at kung anu-ano pang bagay na galing sa halaman. Puwede mo ring gawing negosyo ang may kaugnayan sa medical supplies at iba pang produkto na kinakailangan sa ospital o tungkol sa aspetong kalusugan ng mga tao. Sa nasabing mga negosyo, ikaw ay yayaman.
Ang nasabing pagyaman, ayon sa iyong mga datos, kung sisimulan mo na ang pagnenegosyo ngayon ay natakdang matupad sa taong 2026 at sa edad mong 59 pataas.
留言