Ex-convict, arestado sa boga
@Balitang Probinsiya | September 29, 2023
AKLAN -- Isang ex-convict ang dinakip ng pulisya nang makumpiskahan ng isang baril at mga bala kamakalawa sa tapat ng tanggapan ng korte sa bayan ng Mambusao sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Jeriel Olog, 23, at residente ng Bgy. Roxas, Tapaz, Capiz.
Nabatid na papasok sana si Olog sa tanggapan ng korte para dumalo sa hearing sa kaso ng kanyang pinsan, at nang tingnan ng mga awtoridad ang dala nitong bag ay dito nakita ang isang kalibre .45 pistola at mga bala na walang kaukulang dokumento, at dahil dito ay agad inaresto ng mga operatiba ang suspek.
Nang alamin ng pulisya ang pagkakakilanlan ni Olog, nabatid na dati itong nakulong sa iba’t ibang kaso noong 2022.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions at paglabag sa Comelec gun ban.



Comments