Empleyado, sugatan sa center island
@Balitang Probinsiya | June 12, 2023
AKLAN -- Isang empleyado ang sugatan nang aksidenteng bumangga sa kongkretong center island ang minamaneho nitong kotse kamakalawa sa Bgy. Poblacion, Kalibo sa lalawigang ito.
Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Rainier Buyoc, nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, hindi umano napansin ni Buyoc ang center island kaya bumangga rito ang minamaneho niyang kotse.
Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa ulo at katawan habang kasalukuyan siyang ginagamot sa ospital.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.



Comments