top of page

Empleyada, sinaksak ng holdaper

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2024
  • 2 min read

News @Balitang Probinsiya | June 19, 2024



Agusan del Norte -- Isang empleyada ang sugatan nang saksakin ng isang holdaper kamakalawa sa Brgy. Tandang Sora, Butuan City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima habang hindi pa naipapabatid sa pamilya nito ang naganap na pananaksak, samantalang ang suspek ay nakilalang si Rolando Gerodico, 51, at residente ng nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, armado ng isang baril at isang patalim nang looban ni Gerodico ang opisina ng Travel and Tours Agency at nagpahayag ng holdap, at pagkaraan ay sinaksak ng suspek ang biktima sa katawan.


Bagama’t duguan ay nagawa ng empleyada na makalabas ng establisimyento at humingi ng tulong sa pulisya kaya nadakip ang suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa mga kasong frustrated murder, robbery, illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of deadly weapon.




44 BAHAY, NASUNOG


ILOILO – Nasa 44 na bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Iloilo City sa lalawigang ito.


Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa nabanggit na lugar.


Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 43 pang kabahayan.


Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa sunog sa nasabing lungsod.



MAGSASAKA, TIKLO SA BUY-BUST


NUEVA VIZCAYA -- Isang magsasaka ang nadakip sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Sto, Domingo, Bambang sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Rudy,” nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, nagpanggap na buyer ng shabu ang mga operatiba, at nang pagbentahan sila ng suspek ay dito na agad dinakip ang drug pusher.  


Nakakumpiska ang mga otoridad ng isang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



RIDER, DEDBOL SA POSTE


CAVITE -- Isang rider ang namatay nang bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang poste ng kuryente kamakalawa sa Muzon, Naic sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Ernesto Pascua, Jr., nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol si Pascua sa pagmamaneho ng motorsiklo kaya bumangga ito sa poste.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima.


Dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page