Edukasyon, sapul na naman sa non-stop bagyo
- BULGAR

- Sep 7, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | September 7, 2024

Ang mga bagyo ay ‘di lamang nagdudulot ng pagkawasak ng mga ari-arian, isa pa sa apektado ay ang edukasyon. May pagkakataon na nasanay na lang ang iba na tuwing may bagyo, otomatik, walang pasok.
Ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang aspeto na dapat nating pangalagaan. Kapag ang mga paaralan ay nasisira, ang mga mag-aaral ay napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng mga resources o ligtas na lugar.
Ang bawat araw na nawawala sa kanilang pag-aaral ay isang hakbang pabalik sa kanilang pag-unlad.
Ang kanilang pangarap na makamit ang mataas na kalidad ng edukasyon ay nagiging mas mahirap nang maabot. Ang patuloy na pag-aaral ay hindi lamang nagtataguyod ng intelektuwal na pag-unlad kundi nagbibigay din ng emosyonal na katatagan sa mga bata.
Ang mga paaralan ay nagsisilbing sentro ng rehabilitasyon, kung saan ang mga magulang, guro, at mga estudyante ay nagkakaroon ng pagkakataong magtulungan at magbigay ng suporta sa isa’t isa.
Upang matiyak na ang edukasyon ay hindi napapabayaan sa gitna ng mga bagyo, kinakailangan ang malawak na pagsusumikap mula sa lahat ng sektor.
Kailangang mas mapalawak pa ang mga emergency plan.
Ang mga paaralan ay dapat magkaroon ng mga plano para sa mga sakuna na kasama ang mga hakbang upang magpatuloy ang klase kahit na may mga kakulangan sa pasilidad.
Ang mga teknolohiya tulad ng online learning platforms ay maaaring maging kapaki-pakinabang upang matuloy ang edukasyon kahit sa panahon ng krisis.
Ang bawat isa sa atin ay may papel din na dapat na ginagampanan sa pagsuporta sa edukasyon sa panahon ng sakuna.
Maaaring magbigay ng mga resources, mag-donate ng mga gamit sa pag-aaral, o magbigay ng boluntaryong serbisyo upang matulungan ang mga paaralan, guro at mag-aaral.
Sa huli, ang pagkakaroon ng edukasyon ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang pangunahing pangangailangan, lalo na sa panahon ng krisis.
Huwag nating pabayaan ang ating mga kabataan. Sa bawat bagyo, tiyakin nating ang kanilang pag-aaral ay may patuloy na suporta at pag-asa, sapagkat sa huli, ang edukasyon ang ilaw na magsisilbi nilang gabay sa kinabukasan.


Comments