Edgardo
ni Lucifera @Lagim | October 21, 2023
Lakad nang lakad si Edgardo pero hindi niya alam kung saan ba siya pupunta. Wala naman kasi siyang ideya kung ano’ng dapat niyang gawin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tanggap na isa na lamang siyang kaluluwa at patay na.
Kailangan din niyang kumuha ng anim na kaluluwa para makapasok sa panggitnang pintuan. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Nakaramdam siya ng disappointment dahil kahit na naging mabuting tao naman siya ay hindi siya aakyat sa langit.
Ayon kay Ferdie, namatay daw kasi siya ng wala sa oras. May mga pagkakataon talaga sa ating buhay na kahit na itinakda ang ating kamatayan, hindi ‘yun nagagawang matupad, lalo na kung tayo’y naging pabaya sa ating sarili o kaya naman may mga taong pinatay ng kung sino. Hindi raw kasi ang Maykapal ang nagdesisyon noon kundi ang tao. Gaya niya, pinapatay niya ang kanyang sarili dahil sa sobrang pagtatrabaho, kaya humina nang humina ang kanyang puso.
“Ano’ng ginagawa mo?”
Agad niyang nilingon ang iritadong boses ni Ferdie. “Wala!”
“Iyon nga ang masama, wala kang ginagawa. Gusto mo ba talagang mapunta sa impiyerno?” Pambubuwisit na sabi ito.
Tuwing iniisip niyang masusunog siya sa impiyerno na parang lechon ay nangingilabot siya. Nanayo nang husto ang kanyang balahibo kaya umiling siya nang umiling.
“Kung ganu’n naman pala, umaksiyon ka na agad. Huwag kang papatay-patay dahil ikaw din ang kawawa! Sa lalong madaling panahon ay kailangan mo na makapagdala ng anim na kaluluwa.”
Napakadiin ng bawat katagang binitawan ni Ferdie kaya kumunot nang husto ang noo niya. Hindi niya maintindihan kung bakit parang mas natataranta pa itong hindi siya agad makakita ng kaluluwa.
“Naaawa lang ako sa iyo.”
Hindi siya kumbinsido sa sinabi nito, pero iba ang tinanong niya. “Saan pa ba ako makakakita ng kaluluwa?”
“Sa kalsada.”
“Ano?” Mangha niyang tanong. Ang ini-expect kasi niyang isasagot nito ay sa ospital o sementeryo.
“Para makasiguro kang ikaw ang makakakuha ng kaluluwa, tumayo ka sa gitna ng kalsada. May pagkakataon na makikita ka nila. Kapag naaksidente sila at namatay. Awtomatikong sa iyo ang kanilang kaluluwa.”
Tatapusin…




Comments