top of page
Gary V. - IG.jpg

Edgardo

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 16, 2023
2 min read

ni Lucifera @Lagim | October 16, 2023


Antok na antok na si Edgardo Matthew pero dinig na dinig pa rin niya ang palitan ng salita ng mga nakasakay sa elevator na iyon.


“Mabuti na lang at may kasabay ako ngayon,” wika ng isang babae.


Iminulat niya ang kanyang mata para tiyakin kung siya ba ang kinakausap ng babae o hindi.


“Natatakot ka ba sa multo?” natatawang sabi ng isa. Babae rin ito pero nang-iinis ang boses.


Parang sinasabing napakaduwag naman ng kasama nito.


“Ikaw ba ay hindi natatakot?” sabi ng unang nagsalita.


“Bakit naman ako matatakot? Eh, hindi naman totoo ang multo, walang multo. Kathang isip lang ‘yan.”


Kaya nga, gusto niyang sabihin pero pinigilan niya ng husto ang kanyang sarili. Ayaw niyang may magalit na naman sa kanya dahil sa pagiging atribido niya. Pero, talaga namang walang multo.


Para sa kanya, isang malaking kalokohan iyong mga tsismis na mayroon daw multo sa elevator na iyon dahil kung talagang may multo, mararamdaman niya iyon dahil tuwing alas-12:00 ng hatinggabi ang uwi niya.


Isa siyang call center agent kaya hatinggabi na siya umuuwi sa kanyang condo unit.


Mayroon naman siyang pamilya na nakatira sa kabilang kanto. Pero, madalang na madalang siyang magpakita ru’n. Malaki kasi ang galit sa kanya ng mga magulang at kapatid niya, kaya kahit na naroon siya sa kanila ay hindi siya pinapansin ng mga ito.


'Pag nagpupunta siya ru’n para mag-dinner ay hindi siya pinaghahandaan ng plato at kubyertos. Siyempre, sobra siyang nasasaktan sa ginagawa ng kanyang pamilya kaya minabuti na lang niyang mag-stay sa kanyang condo na talaga namang pinaghirapan niyang makuha. Nais kasi niyang may maipagmalaki sa kanyang pamilya kaya ginagawa niyang araw ang gabi. Ibig kasi niyang patunayan sa mga ito na kaya niyang magtrabaho ng marangal kahit na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral.

“Shet!” wika ng mga babae ng huminto ang elevator sa 7th floor.


Hindi na niya inalam ang dahilan kung bakit nagtilian ang mga babae. Pagkaraan ng ilang sandali, bumukas ang pinto ng elevator at nagmadali na siyang lumabas. Pagod na pagod na kasi ang pakiramdam niya, at ibig na niyang mahiga at matulog.


Itutuloy…


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page