Driver ng nasitang SUV, hindi sangkot sa rent-a-car scam'
@Balitang Probinsiya | July 28, 2023
NORTH COTABATO — Nilinaw ng pulisya na hindi karnaper at hindi sangkot sa "rent-a-car scam" ang driver ng isang SUV (Sports Utility Vehicle) na nasita noong December 19, 2020 sa checkpoint sa Bgy. Sadaan, Midsayap sa lalawigang ito.
Ayon sa Midsayap Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na ang itim na Toyota Fortuner na minamaneho ni Hernie Mabalo ng Zamboanga City ay katulad ng isang pinarerentahang SUV na nawawala pa noong year 2016, kaya't nang mapadaan ang naturang sasakyan sa checkpoint ay sinita ang nasabing driver ng mga nagmanado sa checkpoint.
Nabatid na pagdating sa police station ay ipinakita ni Mabalo ang lahat ng dokumento na patunay na hindi nakaw ang sasakyan.
Napag-alaman din na nang beripikahin ng pulisya sa Philippine National Police-Highway Patrol at Land Transportation Office (LTO) ang naturang sasakyan ay wala ito sa talaan ng mga "hot car".
Dahil dito, ay agad ding ini-release sa police station ang SUV at walang isinampang kaso laban kay Mabalo.



Comments