top of page

Doble-ingat sa pagsa-shopping online

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 28
  • 2 min read

by Info @Editorial | Feb. 28, 2025



Editorial

Sa patuloy na pagdami ng online shopping platforms, naging mas madali at maginhawa ang pamimili ng mga produkto gamit ang internet. 


Mula sa mga damit, gadgets, pagkain, at iba pa, maaari na ngayong makuha ang lahat ng ito sa ilang click lamang. 


Gayunman, sa kabila ng mga benepisyo ng online shopping, may mga panganib na kaakibat nito, kaya’t napakahalaga ng wastong pagbabantay. 


May mga pagkakataon na ang mga ibinebentang produkto ay hindi pumapasa sa mga pamantayan ng kalidad, o kaya naman ay may mga peke o substandard na item na ipinapakita bilang orihinal. 


Isang malaking responsibilidad ang pagbabantay sa mga produkto na ibinebenta online hindi lamang sa bahagi ng mga negosyante kundi pati na rin ng mga mamimili. Ang mga negosyo, lalo na ang malalaking online retailers, dapat magsagawa ng mahigpit na pagsusuri sa kanilang mga produkto bago ibenta. 


Ang transparency ng impormasyon at mga review mula naman sa mga naunang mamimili ay may malaking papel sa pagtulong sa mga bagong mamimili na makagawa ng informed na desisyon.


At bago bumili, dapat tiyakin ang kredibilidad ng seller at ng mga produkto nito.

Huwag din kalimutan ang paggamit ng mga payment system na may proteksyon laban sa fraud upang masiguro ang kaligtasan ng mga transaksyon. 


Kaugnay nito, mas paiigtingin umano ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbabantay sa mga produkto online. 


Kamakailan lamang ay ikinasa umano nila ang isang pagpupulong kasama ang mga malalaking kumpanya ng e-commerce platforms. 


Masasabing ang online marketplace ay may napakaraming potensyal at benepisyo, ngunit upang magtagumpay ito sa isang makatarungan at ligtas na paraan, kailangan ang isang kultura ng responsableng pagbabantay at transparency. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page