DJ CHACHA, AMINADONG KINUHA NG TV5 DAHIL KAY TED
- BULGAR

- Oct 4, 2020
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | October 4, 2020

Ibinuking ni Ted Failon na maraming radio stations ang nag-alok kay DJ Chacha nang mawala ang pagbo-broadcast nila sa DZMM at MOR.
Pero dahil sa magandang tambalan nina DJ Chacha at Ted, kung saan kinaaliwan ng lahat ng tagapakinig nila ang tawagan nilang "Baby Boy" at "Baby Girl", mas pinili ng una ang Radyo5.
Kuwento ni DJ Chacha sa virtual mediacon para sa programa nilang Ted Failon and DJ Chacha @ Radyo5 nitong Huwebes, “Sabi ko nga po, I started with ABS-CBN right after I graduated so ito talaga ang first job ko, radio lang talaga. Kaya nang mawala ‘yung radio, nalungkot talaga ako.
“And then nang magkaroon ng offer na radio rin, parang nasiyahan ako kasi first love ko talaga ang radio. Kumbaga, sinabi ko nga kay Sir Ted, mawala na ang lahat, ‘wag lang ang radio.
“Hindi ko po ikakaila na nalungkot ako sa nangyari sa amin. Ang naging desisyon ko talaga kung bakit nasa Radyo 5 na ako, radio is my first love. Since radio ang in-offer sa akin, ipinagdasal ko rin talaga na kung may radio na io-offer at okey naman siyempre, tatanggapin ko ‘yun.
“Pangalawa, narinig ko po kay Sir Ted kanina na we all have to make a living, nagsara po ang MOR sa dati kong tahanan, nang magkaroon ng offer, malalim ang ginawa kong pag-iisip kung dapat tanggapin. Pero siyempre, radio ‘yung in-offer sa iyo na gustung-gusto mo, tapos kikita ka para sa pamilya mo, sino po naman ang hihindi para roon sa magandang blessings and opportunity na 'yun?
“And for me it’s really a blessing to have a work lalo na ngayong pandemic po tayo. Marami po akong mga katrabaho, mga kasama kong DJ’s, most of them talaga, wala pa ring trabaho hanggang sa panahong ito.
“Kaya malaking blessings ang in-offer sa amin ng TV5. And aside from that, for the past 12 years I’ve been with MOR, kaya kahit nakapikit ka, alam na alam mo na ‘yung ginagawa mo, sanay na sanay ka na.
“Noong nakikipag-usap ako sa pamilya ko na may offer na ganito ang TV5, pero sabi ko, parang mahirap, mahihirapan ako, kasi si Sir Ted ang makaka-tandem ko, tapos ‘yung ginagawa namin before, dapat 2.0 talaga lahat, as in upgraded na siya, mas magiging mahirap. Pero sabi ng family and friends ko, kapag natatakot ka, roon ka dapat mas ma-excite kasi ibig sabihin, may bago kang matututunan.
“And excited ako sa bagong learning na makukuha ko sa TV5 dahil ibang-iba ‘yung gagawin ko rito sa 12 years na ginawa ko sa MOR before. And that excites me na for the first time, nabigyan ako ng ganitong klase ng opportunity dahil never ako nabigyan. But I’m very thankful for my network before."
Sobrang thankful din si DJ Chacha kay Ted dahil kundi raw dahil sa news anchor, baka 'di siya naisip kunin ng Kapatid Network.
Mapapakinggan na sa Lunes, Oktubre 5, sina Manong Ted at DJ Chacha, 6:00-10:00 AM sa Radyo 5 na may simulcast sa TV5 at One PH.
May holistic approach na eengganyo sa atensiyon ng publiko ang bagong programa nina Manong Ted at DJ Chacha dahil tatalakayin nila ang mga pang-araw-araw na isyu, concerns at mga kasalukuyang balita.
Ang kagandahan sa programang ito ay ang balanseng paghahatid ng importanteng mga impormasyon kasangga ang mga nakatutuwang entertainment at feel-good stories na bubuhay sa saloobin ng mga makikinig. Kasama na rito ang social media trends, witty anecdotes ng ating mga hosts na magbibigay-kulay sa umaga ng mga Pinoy, bata man o matanda.
Magkakaroon din ng mga espesyal na panauhin ang Ted Failon and DJ Chacha @ Radyo5. Kabilang dito ay mga personalities, newsmakers, at pati ordinaryong citizen at netizen na mapaparangalan din sa kanilang mga ginagawang public service initiatives.
Ang tambalang Ted Failon and DJ Chacha ang babago sa tunog ng FM at maghahatid ng kakaiba at natatanging radio experience sa publiko na magbubuklod ng dalawang henerasyon sa iisang programa.





Comments