Diskarte at tibay ng mga ina sa araw-araw na pagsubok
- BULGAR

- 10 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 10, 2026

Ngayong Mother's Day, nararapat lamang kilalanin hindi lang ang pagmamahal ng mga ina, kundi pati ang kanilang galing sa pagdiskarte upang maitawid ang pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa panahon ngayon, hindi biro ang mamalengke. Ang dating sapat na budget para sa isang linggong pagkain ay tila kulang na agad sa loob lamang ng ilang araw.
Habang tumataas ang presyo ng pagkain, petrolyo, tubig at kuryente, lalong humihirap ang pagba-budget. Ngunit sa kabila nito, maraming ina ang nananatiling matatag—nag-iisip kung paano mapagkakasya ang kakarampot na kita, naghahanap ng dagdag na mapagkakakitaan, at inuuna pa rin ang kapakanan ng mga anak bago ang sarili.
Marami sa kanila ang halos pinagsasabay ang pag-aasikaso sa pamilya at pagtitinda online. Ang iba nama’y nagsasakripisyo ng sariling pangangailangan upang matiyak na may pagkain sa hapag.
Hindi man sila laging nabibigyan ng parangal, ang mga ina ang nagsisilbing dagdag-lakas ng haligi ng tahanan. Sila ang unang sumasalo sa problema at huling sumusuko sa hamon ng buhay.
Ngayong Mother's Day, higit sa bulaklak at regalo, ang pinakamahalagang maibibigay natin sa ating mga ina ay pagkilala, pasasalamat, at pag-unawa sa kanilang araw-araw na sakripisyo.
Sapagkat sa bawat pagtitipid, pagdidiskarte, at pagsusumikap nilang maitawid ang pamilya, napatutunayan na ang isang ina ay hindi lamang ilaw ng tahanan—siya rin ang matibay na sandigan sa panahon ng kagipitan.



Comments