Disiplina sa basura para maiwasan ang pagbaha
- BULGAR
- Jul 27, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 27, 2024

Nakakapanlumo ang grabeng naiwang basura pagtapos ng bagyo. Samu’t saring gamit na karamihan ay plastik ang nagkalat.
Sinimulan na rin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis sa Manila Baywalk Dolomite Beach. Pawang mga debris, plastic, at iba pang klase ng basura ang hinahakot ngayon kung saan nasa higit 10 sako at trash bag na ang kanilang nakukuha.
Kaugnay nito, panawagan sa mamamayan na itapon ang mga basura sa tamang tapunan dahil hindi umano gumana ang mga imprastruktura ng pamahalaan para sa pagkontrol ng baha dahil sa mga basurang humaharang sa mga ito.
Sinasabing may sapat na pumping stations ang mga local government units (LGUs) ngunit hindi raw gumana dahil sa mga nakaharang na basura. Mayroon umanong 32 pumping stations ang Valenzuela, habang 81 naman sa Navotas, na sa kasalukuya’y 80% pa rin umanong baha. Bagama’t mas marami tayong flood control ngayon kaysa noon, nasapawan pa rin ng dami ng tubig.
Sana matuto na tayo at huwag nang magtapon ng basura kung saan-saan. Umiwas din tayo sa paggamit ng plastik, maraming alternatibong paraan upang ‘di na gumamit nito. Pag-aralan ding mag-recycle sa halip na puro pagtatapon ang ginagawa.
Maraming grupo o organisasyon ang aktibo sa pangangalaga ng kalikasan, sikapin nating makibahagi sa kanilang adbokasiya.


Comments