@Buti na lang may SSS | July 22, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong itanong kung ano ang disability benefit na ibinibigay ng SSS at paano makaka-avail nito ang isang miyembro na tulad ko? Salamat. — Shawn
Mabuting araw sa iyo, Shawn!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat simula Hulyo 17 hanggang Hulyo 23 ay ipinagdiriwang ang National Disability Rights Week na may temang “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access.” Kaya sa pagkakataong ito ay ating tatalakayin ang isa sa benepisyong ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro nito – ang disability benefit.
Ang benepisyo sa pagkabalda o disability benefit ay ibinabayad ng SSS sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kanyang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala. Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.
Para sa iyong kaalaman, Shawn, may dalawang uri ng pagkabalda:
1. Permanent Partial Disability
Maituturing na permanent partial disability ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
isang hinlalaki ng kamay o paa;
isang hintuturo;
isang hinlalato;
isang palasingsingan;
isang hinliliit;
isang kamay;
isang braso;
isang paa;
isang binti;
isa o dalawang tainga;
pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at
pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata.
Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring aprubahan o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit.
Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.
Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung ikaw, Shawn, ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.
2. Permanent Total Disability
Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod:
ganap na pagkabulag ng dalawang mata;
pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa;
permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa;
pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at
iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda.
Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Halimbawa, pagkabalda ng isang miyembro ay noong Pebrero 2024. Ang semestre ng kanyang pagkabalda ay mula Oktubre 2022 hanggang Marso 2023.
Ang permanent total disability pension ay lifetime na matatanggap ng isang miyembro. Bukod dito, may matatanggap din siya na P500 na supplemental allowance kada buwan.
Pinapaalalahanan din natin ang mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS. Kaugnay nito, kailangan din na may sarili kang My.SSS account, Shawn, na matatagpuan naman sa SSS website. Ito’y upang ganap na i-access ang iba’t ibang online service facilities ng SSS lalo na sa pagpa-file ng iyong mga application para sa loans at benefit claims mo.
Kabilang ang filing ng disability benefit claim sa mga benepisyong maaaring mai-file online gamit ang My.SSS Portal. Ito ay batay sa SSS Circular 2022-039 o ang Online Filing of Social Security (SS) Disability Claim Application (DCA) Through the MY.SSS Portal. Para sa iba pang detalye ukol sa online filing ng disability benefit claim, maaari mong bisitahin ang link na ito: https://bit.ly/3ZdYwou.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments