Digital payout ng ayuda, mas mabilis at iwas-gulo
@Editorial | August 22, 2022
Nauwi sa stampede ang pamimigay ng ayuda ng gobyerno para sa mga estudyante.
Marami ang nasaktan at may mga nahimatay pa.
Maaari ngang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Kaugnay nito, isinusulong ang digital payout ng financial assistance o ayuda mula sa gobyerno.
Kailangan nang palakasin ng pamahalaan ang e-money services para sa government financial assistance program upang maiwasan ang pagdagsa sa tuwing may pa-ayuda.
Batid natin na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng kalituhan at kaguluhan sa pamamahagi ng ayuda. Dapat natuto na tayo, dapat nagiging mas convenient at mas makatao na ang proseso ng pamamahagi ng tulong. May digital technology na, gamitin at mas palakasin na natin ito.
Nahihirapan na ang mga nangangailangan ng tulong, huwag na nating pahirapan pa.
Kailangan nating magtiwala sa mga bagong proseso at sistema. Hindi tayo dapat matakot na baka hindi magtagumpay.
Tulungan din natin ang publiko na maging bukas sa pagbabago na para rin sa kabutihan at kaginhawaan ng lahat.
At matapos ang nangyari noong Sabado, umaasa tayo na magiging mas maayos na ang mga susunod na distribusyon ng ayuda.
Pakiusap sa lahat, maging disiplinado, matutong makinig at unawain ang sitwasyon.



Comments