Digital payment sa gobyerno, mas mabilis, matipid at iwas-korupsiyon pa
@Editorial | May 17, 2022
Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas kaugnay ng digital payment para sa government disbursement and collection.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 170, puwede nang gawin ang paglalabas ng pera ng gobyerno na nakalaan para sa pagbibigay ng financial assistance, pasahod para sa mga kawani, allowance at iba pang kompensasyon sa pamamagitan ng digital payment.
Maaari na ring magbayad ng buwis at iba pang fees at tolls sa gobyerno sa nabanggit ding makabagong pamamaraan.
Bagama’t puwede pa rin namang magbayad ng anumang transaksyon sa pamahalaan kahit cash at iba pang mode of payment. Kaya sa mga nag-aalangan sa digital payment at mas gusto ang nakasanayang transaksyon, uubra pa rin.
Kaugnay nito, binuo na ang Technical Working Group na siyang babalangkas sa guidelines ng nasabing batas, na binubuo ng Finance Department, Department of Budget and Management, Bureau of Treasury, Bureau of Internal Revenue at Government Procurement Policy Board.
Una nang sinang-ayunan ang digital payment sa gobyerno dahil bukod sa magiging mas mabilis ang transaksyon, makakatipid pa sa oras at gastos. May mga nagsasabi rin na maiiwasan ang korupsiyon.
Umaasa tayo na magiging maayos ang bagong sistemang ito at kung sakaling magkaroon ng aberya ay agad namang masosolusyunan.



Comments