‘Di tinulungan ng kapatid nang naging tambay, tumandang dalaga pa
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 17, 2022
Dear Sister Isabel,
Sana ay palagi kayong nasa mabuting kalagayan upang marami pa kayong matulungang may mabibigat na problema sa buhay tulad ko. Hirap na hirap na ako at para bang pasan ko ang daigdig kahit single ako at walang sariling pamilya. Tumandang dalaga na kasi ako dahil sa pag-intindi sa pamilya namin dahil maging ang lola, nanay at mga kapatid kong pamilyado ay sa akin pa umaasa.
Maganda kasi ang trabaho ko noon, kaya sa akin sila umasa hanggang sa nakaligtaan ko na ang aking sarili at hindi ko pinansin ang mga nanligaw sa akin. Ngayon, dahil sa pandemya ay wala na silang maasahan sa akin. Mas masaklap ang nangyari dahil wala pa akong matagpuang stable na trabaho. Ang dami kong utang ngayon at hindi ko alam kung paano mababayaran ang mga ito. Habang ang mga kapatid ko na dating nakikinabang sa akin ay wala namang pakialam ngayon.
Naisip ko na kung makakahanap ulit ako ng magandang trabaho, hindi ko na aakuin ang pagtulong sa mga kapatid ko na may sarili nang pamilya. Tama lang siguro na sarili ko naman ang pagtuunan ko ng pansin.
Pumanaw na ang lola at mga magulang ko noong kasagsagan ng pandemya. Sa ngayon, gagaan na ang pasanin ko at sarili ko na lang ang ilalagay ko sa ayos at pagtutuunan ng pansin.
Tama ba ang pasya ko, Sister Isabel? Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Bernadette ng Roxas City
Sa iyo, Bernadette,
Isang mapagpalang araw sa iyo. Hanga ako sa pagiging sobrang bait mo sa pamilya dahil pati mga kapatid mong may sarili nang pamilya ay ikaw pa rin ang umako sa tungkulin na dapat gampanan ng kapatid mo at asawa niya. Sa palagay ko ay lalo mo lang silang kinunsinti para maging tamad at pati sarili mo ay napabayaan mo na.
Tama lang na huwag mo nang ituloy ang dating ginagawa mo para sa mga kapatid mo. Kung papalarin kang magkatrabaho ulit at magkaroon ng malaking kita, intindihin mo na ang iyong sarili.
Hindi pa naman huli ang lahat. Batid ko na makakatagpo ka ulit ng magandang trabaho at matatagpuan mo rin ang lalaking tunay na magmamahal sa iyo at magpapasaya sa buhay mo. Nararamdaman ko ‘yan, kaya huwag ka nang malungkot. May bukas pa para sa iyo na puno ng saya, biyaya at pagpapala dahil naging mabuti kang anak at kapatid, at nagsakripisyo para sa iyong pamilya.
Matuto ka na ngayon. Huwag kang maging sobrang martir sa mga kapatid mo dahil lahat ng sobra ay hindi maganda. Hangad ko ang iyong tagumpay, kaligayahan at kasaganaan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments