top of page

‘Di napigilan ang sarili… Yayang binatukan ang alaga, madir todo-resbak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 8, 2023


Dear Sister Isabel,


Wala na yatang katapusan ang problema ko. Solo parent ako, may isa akong anak na 5-taong gulang at sobrang kulit. Bukod du’n ay nananakit din paminsan-minsan. Hindi tuloy nakapagpigil ‘yung yaya niya at noong saktan niya ito, sinaktan din siya ng kanyang yaya at binatukan niya ang anak ko. Sa galit ko nasampal ko nang malakas ang yaya namin.


Nagdemanda siya at humihingi ng malaking halaga para iurong ang kasong isinampa niya laban sa akin. Hindi ako nagbigay ng pera sa halip, nag-file ako ng counter demand na child abuse.


Nanalo ako sa kasong sinampa niya dahil wala siyang testigo na sinaktan ko siya.


Hindi rin siya nakapag-medical at nahalata ng mediator namin na gusto niya lang akong pagkakitaan.


Pinagbayad siya ng malaking halaga para sa danyos perwisyo. Wala siyang maibayad kaya nakiusap na lang siya na ‘wag ko nang ituloy ang kasong sinampa ko sa kanya dahil malaki ang tsansang matalo na naman siya. Hindi ako pumayag kahit naaawa ako sa kanya. Tinuloy ko pa rin ang kaso.


Tama ba ang ginawa ko? Kahit humingi na ng tawad ‘yung katulong ko at wala ring pera maibigay sa akin du’n sa unang kaso namin? Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,

Dorris ng East Avenue, Quezon City.

Sa iyo, Dorris,


Ang maawain at mahabaging puso ay pinagpapala at buhus-buhos na biyaya ang dumarating. Ang maipapayo ko sa iyo ay patawarin mo na ang katulong mo.


Sa umpisa parang mahirap gawin, pero kung isasaalang-alang mo na malapit na ang Pasko, give love on Christmas. Iminumungkahi kong patawarin mo na siya. Ang makagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa ngayong Pasko ay kalugud-lugod sa Diyos.


Huwag mo nang ituloy ang sinampa mong kaso sa katulong mo. Patawarin mo na siya.


Natitiyak ko, malulugod sa iyo ang Diyos ‘pag ginawa mo ‘yun. Sasaiyo rin ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.


Gagaan din ang loob mo at napakasarap ng magiging pakiramdam mo sa sandaling napatawad mo na siya. Hanggang dito na lang. Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page