‘Di kering maging kabit kaya gusto nang kalimutan ang dyowa
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 21, 2022
Dear Sister Isabel,
Sa aking palagay, ikaw lang ang puwedeng magbigay sa akin ng tamang payo na magpapalubag sa kalooban ko tungkol sa dinaranas kong problema. Matagal ko na ring kinikimkim ito at parang hindi ko na kayang itago.
Nagsimula ang problema ko nang makilala ko si Charlie. May asawa siya, pero hindi ko naiwasan kahit ginawa ko naman ang makakaya ko para iwasan siya. Sadya atang bahagi siya ng destiny ko kaya kahit ano’ng iwas ang gawin ko, nagkaibigan pa rin kami. Ramdam kong mahal niya ako at handa raw siyang iwan ang pamilya niya, huwag lang akong mawala sa buhay niya. Kamatayan o bilangguan lang daw ang makakapigil sa kanya para tuluyan akong layuan at hindi mahalin. Inaamin ko na mahal ko rin siya, pero ayaw kong makawasak ng pamilya. Wala naman daw akong sisiraing pamilya dahil hindi naman daw niya pababayaan nang lubusan, bagkus ay susustentuhan pa rin niya ang kanyang tunay na asawa at dalawang anak.
Ang buhay ko naman daw ang aayusin niya bilang katuwang ko sa buhay. Galing kasi ako sa broken family, kaya awang-awa siya sa akin. Kumbaga, pagkaawa na nauwi sa tunay na pag-ibig.
Balak kong putulin na ang pakikipagrelasyon sa kanya dahil hindi ko maatim na masisira ang pamilya niya dahil sa akin. Kaya kong tiisin ang damdamin ko, pero ang damdamin ng kapwa ko babae ay hindi ko kayang saktan. Hindi talaga kaya ng konsensiya ko.
Ano ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Dolora ng Naic Cavite
Sa iyo, Dolora,
Hanga ako sa prinsipyo mo na kaya mong tiisin ang iyong damdamin, huwag lang masaktan ang damdamin ng kapwa mo babae dahil bihira ang ganyan. Kung sa palagay mo ay kaya mo talagang wakasan ang inyong relasyon, gawin mo na hanggang maaga pa o hangga’t hindi pa nagbubunga ang pagmamahalan n’yo. Matutuwa sa iyo ang Diyos dahil hindi ka magpapatuloy sa pakikiapid sa lalaking may asawa.
Bukod doon, hindi ka magiging kabit ng lalaking ‘yun. Naniniwala ako na kahit mahal mo rin siya, madali kang makaka-move on dahil ang ginawa mo ay sadyang kalugod-lugod sa mga mata ng Panginoon. Gagantimpalaan ka ng langit kung tuluyan kang iiwas sa lalaking ‘yun at tuluyang puputulin ang relasyon sa kanya.
Huwag kang matakot sa sinasabi niya na kamatayan o bilangguan lamang ang makakapigil sa kanya para huwag kang mahalin. Sinabi niya lang ‘yun at hindi niya talaga gagawin. Ganyan ang mga lalaki, mahusay umarte upang makumbinsi ang babae, lalo na kung hindi pa siya sawa sa iyo. Mangibang-bansa ka nang hindi niya alam upang tuluyan kang makaiwas. Natitiyak ko na babalikan niya ang kanyang pamilya upang sa piling nila manatili habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments