top of page

‘Di gustong mawalay sa nobyo… BEBOT, ‘DI DAPAT MANGAMBA DAHIL SURE NA MAKAKATULUYAN SI BF

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2024
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 19, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon, at magli-limang taon na rin ang relasyon namin. Nangako kami sa isa’t isa na walang iwanan, at kapag dumating ‘yung time na may mangingibang-bansa sa amin, dapat magkasama pa rin kami. 

  2. Isa pa, nangako rin kami na walang mag-a-abroad o aalis  sa amin, ayokong magkalayo kami at natatakot din ako na baka hindi kami ang magkatuluyan.

  3. Actually, magkasama kaming nagtatrabaho sa private hospital. Kaya lang nagkaroon ng problema, tawag nang tawag sa akin ang ate ko, at gusto niya akong pasunudin sa Australia. Naroon kasi ang sarili niyang pamilya, kasama ang mga kapatid ko, kinukulit nila ako na ayusin ko na umano ang aking mga papeles.

  4. Maestro, paano naman ang pinangako namin na walang aalis sa amin? Ine-encourage ko naman siyang mag-apply sa abroad, ngunit ayaw niya at hindi pa raw niya priority ang pangingibang-bansa dahil may inaayos pa siya sa pamilya niya.

  5. Ano ba ang nakaguhit sa palad ko at ano ba ang dapat kong gawin? Kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko o mauuwi rin sa hiwalayan ang relasyon namin?

 

KASAGUTAN

  1. Kung minsan, wala naman talagang nagagawa ang mga pangako o pangarap. Dahil kapag nakatakda na ang isang kaganapan, tanggihan mo man o hindi, hindi natin ito matatakasan. Tandaan mo na kapag nakatakda na ang isang pangyayari, kahit makapangyarihan ka pa, hindi mo ito mapipigilan.

  2. Ayon sa malinaw at malawak mong Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tiyak na makakapag-abroad ka. Ito rin ay senyales na hindi mapipigil ng pangako n’yo ang nakatakda. Kaya naman sa ayaw at sa gusto mo, matutuloy ka sa abroad at doon ka na rin maninirahan. 

  3. Pero ang nakakatuwa, dahil iisa lang naman ang makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung matagal na kayong may relasyon ng boyfriend mo, kahit na magkalayo kayo ng boyfriend mo, sa bandang huli ang takdang kapalaran ang kusang gagawa at gagawa ng paraan upang muli kayong pagtagpuin ng tadhana, at para muling pagdugtungin ang inyong naunsyaming suyuan. Kapag dumating ang panahon na ‘yun, hindi na kayo magkakahiwalay, dahil tuluyan na kayong magsasama at bubuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.  

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ang buhay at kapalaran ng isang tao ay parang telenovela. Maraming kadramahan. May nakakaiyak at nakakatawang sitwasyon, pero nasa husay ng manunulat o nobelista kung paano ito patatakbuhin na siyang nagpapaganda ng isang palabas o istorya ng ating buhay.

  2. Ganundin ang bawat kapalaran ng tao, hindi mo alam ang ending pero isa lang ang alam mo, ikaw ang bida ng istorya at buhay mo ang script.

  3. Pero sa totoo lang, anuman ang gawin ng bawat tao, tulad ng nasabi na, hindi kayang iwasan ang nakatakda. Kaya naman lilipas ang mga tatlo hanggang apat na taon, sa taong 2027 hanggang 2028, muling magkikislapan ang ilaw ng entablado habang paisa-isang naglalaglagan ang mga dahon sa iyong paligid, saang lupalop ka man ng mundo, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana para tuparin ang ipinangako n’yo sa isa’t isa – ang magmahalan, magsama ng wagas at magkaroon ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page