top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Depressed sa pagpanaw ng mister dahil sa COVID-19

BULGAR
Apr 11, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 11, 2022


Dear Sister Isabel,


Mahirap tanggapin, pero kailangan kong harapin ang katotohanan na wala na ang pinakamamahal ko sa buhay, ang aking asawa. Sampung taon kaming nagsama sa hirap at ginhawa, hindi kami nagkaanak pero hindi dahilan ‘yun para tabangan siya sa akin at humanap ng ibang babae na magbibigay sa kanya ng anak. Sa halip, lalo niya pang ipinadama sa akin ang kanyang pagmamahal sa bawat araw na lumilipas hanggang bigla niya na akong iniwan.


Nabiktima siya ng COVID-19, kaya sa ayaw at sa gusto ko, kailangang i-cremate siya agad. Napakasakit dahil hindi siya naiburol o napaglamayan.


Hindi ko alam kung paano magsisimulang muli nang wala siya, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo upang humingi ng kaukulang payo sa sitwasyon ko ngayon.


Dumaranas ako ng matinding depresyon, Sister Isabel, at parang hindi ko na kayang mabuhay mag-isa dahil wala na ang pinakamamahal ko.


Umaasa ako na sa pamamagitan ng payo n’yo ay gagaan ang kalooban ko at babalik na sa normal ang aking buhay.


Nagpapasalamat,

Sherly ng Pasig City



Sa iyo, Sherly,


Tanggapin mo ang aking taos-pusong pakikiramay sa pagkawala o pagpanaw ng asawa mo. Sadyang mahirap mawalan ng mahal sa buhay, lalo pa kung asawa mo ang nawala.


Kalmahin mo ang iyong kalooban, una-una lang ‘yan. Lahat tayo ay papanaw sa mundo, sa ayaw o sa gusto natin dahil ang permanenteng tahanan natin ay sa kabilang buhay. Nakikitira lang tayo dito sa mundo, bayang kahapis-hapis, sabi nga ng iba. Puro kasi hapis, lungkot at kapighatian ang madalas nating maranasan dito sa daigdig na ating ginagalawan. Mabuti pa sa kabilang buhay, walang gutom at uhaw, lahat ay kapayapaan at kaligayahan.


Matuwa ka. Mabuti pa nga ang nangyari, tapos na ang kalbaryo, pagsubok at iba pa na tuloy-tuloy na daranasin ng asawa mo kung buhay pa siya ngayon. Hindi puro kaligayahan dito sa mundo, bagama’t sinabi mo na maligaya kayo, batid kong nakaranas din kayo ng kalungkutan at pagtitiis. Darating at darating ang mga problema na halos hindi na kaya. Natural lamang ‘yan, kaya huwag kang magmukmok sa isang sulok, sa halip ay mag-move on ka na. Libangin mo ang iyong sarili sa mga kapaki-pakinabang na bagay.


Gayundin, alagaan mo ang iyong sarili upang hindi ka magkasakit. Makibahagi ka sa mga gawaing pang-simbahan, panlipunan at pagtulong sa iyong kapwa, hangga’t may nalalabi ka pang lakas upang ‘pag dumating ang panahong ikaw naman ang kunin ng tadhana, siguradong sa langit ang permanenteng tirahan mo.


Hanggang dito na lang. Rest, relax and always pray. Huwag kang masyadong seryoso sa buhay. Makibahagi ka sa lipunang iyong ginagalawan at for sure, magiging normal na ang buhay mo. Hindi ka na mangungulila sa asawa mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page