top of page

Dedma na lang sa 'Pinas ang United Nations

  • BULGAR
  • Sep 25, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 25, 2022


Lumalabas sa FB fees ang mga larawan ng tatlong presidente na nagtalumpati sa United Nations.


Una, noong 1986 nagtalumpati si dating Pangulong Corazon Aquino: standing ovation. Pangalawa, 2015, nagtalumpati naman si dating Pangulong "Noynoy" Aquino: standing ovation. At ngayong 2022, nagtalumpati ang kasalukuyang Pangulo: standing "evasion".

Hindi natin alam kung bakit talagang kakaunti o halos walang nakinig sa talumpati ng Pangulo ng Pilipinas sa United Nations. Maraming dahilan. Ngunit sana’y matimbang ang dahilan dahil ito ang kauna-unahang talumpati ng bagong Pangulo sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa na kasapi sa United Nations.


Ayon sa balita, ang talumpati ng Pangulo ay pagsisikap na paahunin ang bansa pagkatapos ng pandemya.


Kailangan ng ating bansa ang tulong at suporta ng mga bansang demokratiko para sa naturang pag-ahon sa pandemya. Anuman ang yaman ng bansa o galing ng namamahala nito, kakailanganin nito ang suporta at pagkatig ng ibang bansa. Iisa na ang mundo at lalo pa itong pinag-isa ng naturang “social media.” Hindi na tayo maaaring magmalaki at magpanggap na hindi natin kailangan ang kayamanan at kagalingan ng ibang bansa para patatagin muling ayusin ang ating bansa.


Sa usapin ng kalusugan at paglaban sa pandemya, malinaw ang kahalagahan ng pag-uusap at pagsuporta ng iba’t ibang bansa. Ngunit sa mga nagdaang araw at linggo, iba ang naging pahayag ng Pilipinas sa patuloy na pagsulong ng iba’t ibang pandaigdigang institusyon hinggil sa karapatang-pantao, ang kahalagahan ng pagpapalaganap nito at ang matagal ng umiiral at umiinit pang kaso ng paglabag ng karapatang-pantao.


Maaalala kung ano ang sinabi ng nakaraang Presidente tungkol sa kontribusyon ng UN Rapporteur on Human Rights. Sa kabila ng obserbasyon nitong meron at maraming nagawang paglabag sa karapatang-pantao mula kapulisan hanggang sa mga sundalo, ilang ulit pinagdiinan ni dating Pangulong Duterte na hindi siya naniniwala sa mga obserbasyon ng UN Rapporteur on Human Rights. At hindi lang sa hindi siya naniniwala, pinahirapan pang makapasok at makakilos ng malaya ang naturang opisyal ng United Nations. Gayundin ang naging pananaw ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa imbestigasyon ng International Criminal Courts sa tuluy-tuloy na pagdanak ng dugo ng mga walang labang biktima ng Extrajudicial Killings sa ilalim ng palpak na war on drugs.


Gumagana ang mga korte. Maayos at matino ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Hindi natin kailangan ang tulong at pakikialam ng mga institusyong nakabase sa ibang bansa, tulad ng United Nations at ang International Criminal Court. Kaya’t malinaw sa ganitong posisyon at pananaw na “deadma,” walang pakialam o wala lang sa ating bansa ang mahahalagang institusyon na may kinalaman sa karapatang-pantao at katarungan.


Ano kaya ang tunay na ibig sabihin ng kaunti at halos walang nakinig sa talumpati ng kasalukuyang Presidente ng Pilipinas? Busy lang kaya o deadma o wala lang, dahil hindi naman mahalaga ang sasabihin ng Pangulo ng Pilipinas. Hindi kaya ito ang sinasabi sa Ingles na “getting a dose of the same medicine?” At ngayon, kung ano ang naging pagtrato mo sa ibang bansa at sa mga institusyong nakabase sa ibang bansa, ganon naman ang ipadarama sa iyo ng mga bansang iyong binabalewala o dinededma.


Dahil pinalakpakan at binigyan ng standing ovation sina ex-President Cory at ex-President Noynoy, kasabay din nito ang mainit na pagsuporta sa anumang mahahalagang hakbanging mapipili ng kani-kanilang administrasyon.


Kailangang makita ng kasalukuyang administrasyon ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng International Community. Wala nang maaaring magkunwari na hindi natin kailangan ang isa’t isa sa mahusay, makatao, maka-kalikasan, makatarungan at maka-payapaang pamamahala ng kani-kanyang bansa.


Kaya ba ng kasalukuyang Pangulo na buksan at hayaang lumago ang ating bansa sa kayamanan ng karanasan ng ibang bansa hindi lang sa larangan ng ekonomiya at kabuhayan, kundi lalo’t higit sa usapin ng karapatang-pantao at katarungan na napakahalaga para sa pamilya ng mga bansa o sa United Nations?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page