DDS, sinira at patuloy daw na sinisira ang pamilya niya…
- BULGAR

- Jul 3, 2020
- 2 min read
"AYOKO MAKASAMA ANG MGA TULAD NINYONG WALANG AWA O PUSO" — SHARON
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 3, 2020

Naglabas ng sama ng loob si Sharon Cuneta sa mga Duterte (partikular na nga sa mayor ng Davao na si Sara at sa ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte) sa kanyang Instagram account last Wednesday (July 1). Pero, kaagad niya itong binura. Gayunpaman ay nakunan ito ng screenshot ng isang showbiz blogsite.
Mahaba at punumpuno ng tampo sa mga Duterte at sa mga DDS (Diehard Duterte Supporters) ang post ng Megastar. Sinimulan niya ito by stating na binabastos daw ng mga ito ang kanyang asawang si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
“Si Inday Sara, NIRESPETO NIYO BA AKO AT ANG ANAK KO? Noon pa binabastos niyo na ang asawa ko.
“Tapos ang pangulo mismo ang nagsabi na PINAPALAYAS KO ANG ASAWA KO SA 'MIN AT MAGRE-RESIGN SIYA KUNDI TOTOO. Ang laking GULAT namin noon.
“Dahil hindi ko pa siya nakakausap since before HE HIMSELF ASKED & CONVINCED MY BROTHER TO RUN FOR MAYOR OF PASAY. MAY NARINIG BA KAYO SA AKIN? WALA,” simula ni Sharon.
Sinabi rin ni Megastar na nagkabaun-baon sa utang ang kapatid niyang si Chet Cuneta nang tumakbo itong mayor ng Pasay City noong 2019 elections. Sa kasamaang-palad nga ay natalo ang kanyang kuya.
"Nasaktan kami at ang mga anak ko.
"Nagkabaun-baon sa utang ang kapatid ko kasi wala naman kaming nakuhang tulong. Tuwang-tuwa kami nu'ng in-endorse siya ng Pangulo at ni Inday Sara. Tapos, nagulat kami pati ang kalaban niya ay inendorso rin.
"MAY NARINIG BA KAYO SA AMIN KAHIT NASAKTAN KAMI? WALA.”
Ikinasama rin ng loob ni Sharon (na feeling nga namin ay ito ang last straw) ang aniya ay “pambababoy” ng isang DDS sa anak niyang si Frankie Pangilinan. Ito ‘yung rape threat ng isang Facebook user at ang nakalagay sa profile nito ay isa itong DDS.
“Tapos, binababoy ng isang DDS na kasama n'yo ang anak ko. May dumepensa ba sa amin kahit mahal daw ako ni Tatay? Wala.
"AKO AT SI KAKIE NA ITO, HINDI NA SI KIKO LANG. NASAKTAN AKO. Kasi TAYO DAPAT ANG MAGKAKAMPI. PERO KAYO ANG SUMIRA AT PATULOY NA SUMISIRA SA 'MIN,” aniya.
“AWANG-AWA NA AKO SA ASAWA’T MGA ANAK KO. Ilang taon ko din silang halos hinayaang masaktan habang ipinagtatanggol ko nang pilit si Tatay sa kanila. Pero SOBRA NA KAYO.
“AYOKO MAKASAMA ANG MGA TULAD NINYONG WALANG AWA O PUSO,” matapang pang pahayag ni Shawie.
Sa huli ay sinabi niyang hindi na niya hahayaang magpatuloy pa ang pananakit sa kanila.
“ILANG BESES NA KAMING NASAKTAN. NAPAKASAMA KO NAMANG ASAWA AT INA 'PAG HINAYAAN KO PA NA MAGPATULOY 'YUN NG ANO, NAKA-SMILE LANG LAGI?
“HINDI KO NA KAYA.”
Bago ang post na ito ay matatandaang nagsalita si Sharon sa kanyang Instagram Live session na ang next na presidenteng gusto niya ay si incumbent Vice-President Leni Robredo.
“Pagkatapos ng term ni Pangulong Duterte, sana talaga, manalo si VP Leni kung tumakbo siya. Baka sakaling bumalik ang pagkadisente ng karamihan sa atin,” pahayag ni Sharon na obviously ay hindi nagustuhan ng DDS at katakut-takot na bashings na naman ang kanyang inabot.





Comments