Dati migraine lang, hanggang inatake na…KIM IDOL, BRAIN-DEAD
- BULGAR

- Jul 11, 2020
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 11, 2020

Hinihintay ng mga kapatid ni Kim Idol ang pagdating ng ina nila galing Bikol para siyang mag-decide kung ihihinto na o itutuloy pa ang gamot na ibinibigay sa komedyante.
Base sa kuwento sa amin ng kaibigan ni Kim na si Briane Alejandria, “Brain-dead na po si Kim (Idol), waiting na lang po na ang mama niya ang mag-decide kung stop na magbigay ng gamot. Mga kapatid po, nasa hospital na.”
Matatandaang isinugod si Kim sa MCU Hospital nitong Huwebes nang madaling-araw dahil natagpuang walang malay.
“Mag-isa lang po siya sa kuwarto niya. Pang-umaga po ang duty niya kaya sa gabi, wala siyang kasama sa room kasi panggabi naman ang duty ng roommate niya. Base po sa kuwento ng doktor na nakakita, nakatawid pa si Kim ng pinto para humingi ng tulong kaso walang tao at ilang oras na siyang walang malay,” say ni Briane.
Noong 2015 ay may findings na Brain Arteriovenous Malformation (AVM) si Kim kaya pala lagi siyang mina-migraine.
“Sinabihan na siya na anytime, puwedeng umatake ang AVM niya. Kahit nagpe-perform pa siya sa stage. Actually, nu’ng 2015, pinapa-stop na siyang mag-work sa Zirkoh and Klownz.
“Pero sinabi ni Kim sa doctor, ‘I'd rather die on stage than die on my bed.’ 'Yan ang eksaktong sagot niya sa doctor. Since 2015, Kim is literally 'a walking time bomb'. Nagkataon lang na sa duty siya inabutan,” pahayag sa amin ni Briane.
Kapag inaatake raw si Kim ng migraine ay kailangan nitong magpatingin kaagad dahil delikado at nitong mga nakaraang araw ay ilang beses siyang sinumpong pero hindi siya nagpa-checkup.
Sabi ni Briane, “Ilang araw na sigurong nagbi-bleed ang brain niya, hindi naagapan.”
Maraming nahiwagaan sa mga posts ni Kim nitong mga huling araw, tulad nu’ng Hulyo 6, sabi niya, "Nagkaka-migraine ako sa panonood ng hearing sa franchise."
At ang huli ay nu'ng Hulyo 7 na kinunan niya ang langit na sobrang maaliwalas at nahagip ang gilid ng Philippine Arena.
Miyembro ng Iglesia ni Cristo si Kim kaya nu’ng sabihan siyang sa Philippine Arena siya maa-assign bilang marshall nitong Hunyo para sa mga naka-quarantine na positibo sa Covid-19 ay masaya siya dahil nakakapaglingkod daw siya.
Napasok si Kim bilang marshall noong nagsara ang comedy bars na Zirkoh at Klownz kung saan siya regular na nagtatrabaho. Kinailangan niyang maghanap ng ibang trabaho.
Ang kuwento niya sa amin noong buwan ng Mayo, “Kinuha ako nu’ng doctor na friend ng friend ko. Ngayon nag-e-encode ako sa opisina nila rito sa Port Area ng mga health declaration card (‘yung dilaw na coupon na pinipirmahan natin sa airplane). I applied for it. I was deployed the other day but was pulled out. While waiting for deployment, I’m doing some errands here in Bureau of Quarantine.
“Waiting po ako ulit na ma-deploy sa hotel, pero if ako po ang masusunod, mas preferred ko na mag-encode na lang kasi mas safe kesa sa humalubilo sa mga repatriates na naka-quarantine sa hotel kasi puwede pong may mag-positive sa kanila.
“Pahinga na muna ang aking entertainer alter ego na si Kim Idol habang idle pa ang entertainment business, normal na buhay muna as a government employee with my real identity Michael Argente! #AdjustingToTheNewNormal!”
At nitong Hunyo na nailipat nga siya sa Philippine Arena ay naka-todo-PPE (personal protective equipment) siya.
Tila may mga premonition na si Kim base na rin sa mga kaibigan niya.
Kuwento ni Cristina Alejandria, “Bago siya mag-duty, pinuntahan niya ako sa bahay ng gabi. Sinabi niya na inayos na niya lahat ng dapat ayusin, pinirmahan na niya lahat ng documents para sa hazard pay, ako na lang at bahay ang susunod niya, tapos nagpaalam na siya na du-duty na siya.
"Nagkuwento pa ‘yung kapitbahay namin, ‘yung dating tinitirhan niya, nakita niya si Kim na ba-bye lang nang ba-bye sa kanya. Akala niya, binibiro lang siya kasi 'di naman nagsasalita.”




Comments