Dalagang anak na nagpalit ng relihiyon, gustong maging katoliko ulit
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 09, 2022
Dear Sister Isabel,
Katoliko ang pamilya ko, pero nang lumaki na ang mga anak ko, naakit sila ng ibang religion. ‘Yung dalaga kong anak, sumasamba every Sunday sa ibang religion at hindi ko matanggap dahil nagka-boyfriend pa siya ru’n. At pati mga barkada niya na walang boyfriend, doon din nakatagpo ng dyowa.
Hindi ko naman siya mapigilang magsimba ru’n dahil doon siya maligaya dahil nandu’n ang boyfriend niya. Madalas kong sabihin na bumalik siya sa pagiging Katoliko, pero nagagalit siya sa akin at maraming katwiran.
Ang ayaw ko rin sa religion nila, dini-disregard nila si Mama Mary, at si Jesus lang daw ang dapat sambahin. Hindi nila binibigyang-halaga ang Mahal na Birheng Maria, na alam nila na si Virgin Mary ang ina ni Jesus. Kung wala si Mama Mary, wala ang ating panginoong Jesus dahil malinaw na galing sa sinapupunan ni Mama Mary si Jesus. Akala kasi ng religion nila, sinasamba ng mga Katoliko ang Mahal na Birheng Maria.
Kailanman ay hindi namin sinamba si Mama Mary, adoration, respeto at pinupuri namin siya dahil siya ang Ina ng Diyos anak, Jesus Christ our Lord.
‘Yung replica nila sa simbahang Katoliko ay simbolo at paalala lang na siya ang ina ni Jesus Christ tulad ng monumento ng mga bayani na inaalayan ng bulaklak, nagmimisa at ginagalang bilang paalala na mayroon tayong bayani na nagbuwis ng buhay alang-alang sa ating mga Pilipino. Ganundin maihahalintulad ang replica ng Mahal na Birheng Maria at iba pang mga santo at santa sa simbahang Katoliko.
Ano ang puwede kong gawin upang bumalik sa pagiging Katoliko ang anak ko upang mabuo ang pamilya ko at sabay-sabay na nagsisimba tuwing Linggo? Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo para gumaan ang loob ko.
Nagpapasalamat,
Eduardo ng Bataan
Sa iyo, Eduardo,
Sadyang ganyan ang nangyayari ngayon sa isang pamilyang Katoliko, kaya hindi ka nag-iisa.
Ang mga kabataan ngayon ay nag-eeksperimento kung ano ba talaga ang relihiyon na babagay sa kanila. May sarili silang panuntunan para hanapin ang tunay na religion para sa kanila, hanggang ma-in love sa kasamahan nila sa bagong relihiyon na kanilang ipinalit sa Catholic na siyang religion ng pamilya mo. Mayroon pa akong alam, sagradong Katoliko na lumipat ng ibang religion, na-brainwash ng pastor kuno at nabuntis ng pastor ‘yung anak niya. Sising-sisi siyang dumulog sa akin at sabi ng mister niya, “Bumalik na lang kaya tayo sa Katoliko?”
Para sa akin, wala naman sa relihiyon ‘yan dahil nasa puso at kalooban natin ‘yan. Kung malinis at tapat ang kalooban natin, hindi natin kailangang mag-iba pa ng relihiyon. Ang mahalaga, sumasamba tayo, nagdarasal nang taimtim, sumasampalataya nang walang halong pag-aalinlangan sa ating Diyos Ama sa langit at Diyos anak na si Jesus na ating tagapagligtas.
Ipagdasal mo nang taimtim ang iyong anak, na nawa’y ipaisip sa kanya ng Diyos na wala sa pagbabago ng relihiyon ang ikapapanatag ng buhay niya. Huwag niyang ihulog nang husto ang sarili sa boyfriend na nakilala niya sa bago niyang religion. Diyos lamang ang makapangyarihan sa lahat. Naniniwala ako na lulutasin Niya ang problema mo sa iyong anak, basta’t manalig ka lang at taimtim na magdasal na sana, isang araw ay makita mo na lang ang anak mo, sama-sama kayo, sabay-sabay kayong nagsisimba sa simbahang Katoliko, na tunay n’yong relihiyon mula pagkabata. Ipagdasal mo rin na sana’y mahalin siya ng boyfriend niya, hindi gawing laruan lamang ang pag-ibig.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments