top of page
Search
  • BULGAR

Dagdag-sahod sa totoong public servant, sibak sa korup!

@Editorial | August 31, 2022


Pinag-aaralan ng Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ang posibilidad ng panibagong Salary Standardization Law.


Posible umano na sa 2024 ay magkaroon ng bagong dagdag-sahod sa mga empleyado ng gobyerno.


Ito ay matapos ang isasagawang pag-aaral ng Government-owned and Controlled Corporation (GCG) para sa panibagong tranche ng salary standardization.


Sa gitna ng kaliwa’t kanang taas-presyo ng mga bilihin, bukod sa pagkakaroon ng ibang mapagkakakitaan, umaasa rin ang mga manggagawa sa dagdag-sahod.


Batid naman nating hindi lahat ng nasa gobyerno ay hayahay, marami pa rin ang todo-kayod sa pagseserbisyo-publiko pero mas mababa sa minimum ang suweldo. Ang masaklap, hindi rin regular. May iba na inabot na ng edad ng pagreretiro, job order pa rin.


At ang pinakamasakit, may pagkakataon na kung sino pa ang talagang may malasakit at dedikasyon sa trabaho, sila pa ang hindi nakatatanggap ng tamang pasahod at benepisyo. Habang may iba na dahil malapit kay mayor, casual o regular na, halos wala namang ginagawa sa trabaho. Sayang ang puwesto.


Kaya sana, bago muling ilarga ang dagdag-sahod sa gobyerno, pag-aralan munang mabuti kung paano ito ipatutupad. Sino ba ang mga karapat-dapat na mataasan ang sahod at sino ang mga kailangan nang sipain dahil wala namang bilang sa serbisyo-publiko o baka korup pa?


Huwag sana nating kalimutan na ang nagpapasahod sa mga taga-gobyerno ay ang taumbayan. Kapalit nito ay ang inaasahang maayos na paglilingkod.


Naniniwala tayo na maraming tapat at talagang public servant pero, meron pa ring mga pasaway na dapat nang sibakin.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page