top of page

Dagdag-sahod, nabuhay na naman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 6, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | June 6, 2025



Editorial

Inaprubahan na ng Kamara ang panukalang P200 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor. 


Sa unang tingin, tila magandang balita ito — isang hakbang tungo sa pagkilala sa sakripisyo ng manggagawang Pilipino. Ngunit sa likod nito ay ang paulit-ulit na pagkabigo, pagkaantala, at pangakong napapako.Sa harap ng tumataas na presyo ng bilihin, serbisyo, at iba pang pangangailangan, matagal nang hindi sapat ang kasalukuyang minimum wage. 


Marami ang nabubuhay sa sahod na malayo sa dapat ay sapat para sa isang pamilya upang mabuhay nang disente. 


Gayunman, imbes na konkretong solusyon, paasa at panandaliang pampalubag-loob ang natatanggap ng mga manggagawa.


Hindi na bago ang ganitong panukala na sa huli ay nauuwi sa wala — tinatabla ng mga makapangyarihan, kinukuwestiyon ng mga negosyante, at tinatabunan ng pulitika. 


Kung ito’y hindi kayang maipatupad, maging tapat. Huwag paasahin ang mga manggagawa na araw-araw na bumabangon upang itaguyod ang ating ekonomiya.


Panahon na upang ang kapakanan ng manggagawa ay hindi lamang ginagamit bilang plataporma o pakitang-tao. Dapat itong unahin, isabatas, at ipatupad nang may tunay na intensyong itaas ang antas ng kanilang pamumuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page