Dagdag-pasensya sa taas-pasahe
@Editorial | September 18, 2022
Tuloy na ang dagdag-pasahe sa susunod na buwan.
Depensa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakipagkonsulta naman sila sa National Economic Development Authority (NEDA) at sa Department of Energy (DOE).
Nagsagawa rin umano ng pag-aaral ang LTFRB, sa pamamagitan ng Franchise Planning and Monitoring Division (FPMD).
Kabilang sa pinagtibay ay ang dagdag na P1 provisional increase sa minimum fare sa unang apat na kilometro sa parehong traditional at modern jeepneys. Kaya sa mga traditional public utility jeepney (TPUJ) ay magiging P12 na ang minimum na pasahe habang sa modern PUJ ay nasa P14.
Inaprubahan din ng ahensya ang dagdag-pasahe sa P0.30 sa susunod na kilometer para sa TPUJ, samantalang additional P0.40 kada sunod na kilometro para naman sa MPUJ.
Para naman sa mga public utility buses (PUB), sumang-ayon din ang LTFRB ng P2 uniformed base fare hike para sa city at provincial buses sa unang limang kilometro at sa susunod na kilometro ang taas-pasahe sa P0.35 hanggang sa P0.50 depende sa klase ng bus.
Para naman sa flagdown rate sa mga taxi at TNVS ay pinayagan din ang adjustment ng P5. Pero wala nang pagtaas sa mga susunod na kilometro.
Mananatili naman ang 20% discount sa mga senior citizens, persons with disability (PWD) at mga estudyante.
Ngayon pa lang ay paghandaan na ang taas-pasahe, i-adjust na ang budget. Batid naman natin na sa panahon ngayon, bawat sentimo ay mahalaga.
Kailangan ang dagdag-pasensya at mas malawak na pang-unawa. Ang taas-pasahe ay nangangahulugan ng dagdag-pasanin sa komyuter pero dagdag-tulong naman kahit paano sa mga drayber.
Umasa tayo na mas mabilis nating malalampasan ang ganitong sitwasyon. Magtuluy-tuloy na sana ang pagsigla ng kabuhayan, mula sa pagbabalik ng mga trabaho hanggang sa paglago ng mga negosyo.



Comments