Dagdag-benefits sa solo parent, aprub
@Editorial | June 29, 2022
Good news sa mga solo parent! Ganap nang batas ang Republic Act No. 11861.
Nakapaloob dito ang karagdagang benepisyo na matatanggap ng mga solo parent sa bansa.
Nakasaad sa bagong batas na magkakaroon ng flexible work schedule ang mga solo parent employee, monthly cash subsidy para sa minimum wage earners at scholarship para sa mga ito at sa kanilang anak.
Bibigyan din ang mga solo parent ng dagdag na parental leave benefits para mabalanse ang trabaho at responsibilidad sa kanilang anak, partikular sa mga kaganapan kung saan kailangan ang presensya ng magulang.
Awtomatiko ring magkakaroon ng health insurance ang mga ito sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.
Sa ilalim ng batas, pinalawig din ang depinisyon ng solo parent.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay magde-develop ng komprehensibong social protection services package para sa solo parent at anak ng mga ito.
Napag-alamang ganap itong naging batas noong Hunyo 4, 2022, at magiging epektibo 15 araw makaraang mailathala sa mga pahayagan.
Malaking tulong ito sa mga solo parent at sa kanilang mga anak, lalo na ngayong nasa gitna pa rin ng pandemya na sinabayan ng kaliwa’t kanang taas-presyo.
Umaasa tayo na magiging maayos ang pagpapatupad ng nasabing batas.



Comments