top of page
Search
  • BULGAR

COVID-19, walang pinipiling edad, mga bagets ‘wag pakampante

@Editorial | April 10, 2021



Nakaaalarma ang ulat na marami nang bilang ng mga mas batang nasasawi dahil sa COVID-19.


Ayon sa Department of Health (DOH), karamihan sa mga nadadapuan ng nasabing virus ay nasa edad 20 hanggang 49. Sa nasabing edad, malaki ang pagkakataon na sila’y namamatay.


Mas marami umano ang bilang ngayong taon ng nasabing age group na nadadapuan ng COVID-19 kumpara noong nakaraang taon.


Kaya pag-uusapan ng DOH at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease, kung anong industriya ang papayagang magpatupad na ng work-from-home.


Samantala, ilang health experts naman ang nagpahayag na kaya dumami ang mga mas batang nagkaka-COVID-19 ay dahil sa pagbalewala pa rin sa minimum health protocols.


Ito ang mahirap sa kalabang hindi nakikita. Wala tayong ibang magagawa kundi ang mag-ingat at palaging sundin ang mga payo ng kinauukulan.


Kung nasa trabaho ang banta ng sakit, kailangang mas paigitingin ang mga ipinatutupad na health protocols — mula sa pagsunod sa social distancing, pagsusuot ng facemask at face shield hanggang sa regular na paglilinis at pag-disinfect. Kung kakayanin naman ang work-from-home at hindi malalagay sa alanganin ang operasyon, gawin na pansamantala.


Gayunman, kung ang pag-iisip, eh, porke bata pa ay hindi tatablan ng COVID-19, mas malaking problema ‘yan. Tulad ng sinasabi sa report, dumarami na rin ang nadadale sa virus na mas bata. Kaya, please lang, huwag pasaway. Kung paano mag-ingat ang matatanda, buntis at maysakit, ganundin ang lahat. Tayong mas bata ang higit na inaasahang aalalay sa kanila, kaya mas ingatan natin ang sarili laban sa COVID-19 at iba pang sakit.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page