ni Thea Janica Teh | January 13, 2021
Naglaan na ng P300 milyon ang pamahalaang lokal ng Antipolo para makabili ng
COVID-19 vaccine at maipamahagi nang libre sa kanilang mga residente.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea Ynares ngayong Miyerkules, naghahanda na umano ang lungsod ng guidelines para sa vaccination program sa pakikipagtulungan sa National Task Force against COVID-19 at Department of Health.
Aniya, "Darating ngayong taon ang COVID vaccines na ating in-order sa tulong ng NTF at DOH.” Dahil sa kontrobersiyal na Dengvaxia, minabuti ni Ynares na maging boluntaryo sa kanilang mga residente ang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.
"Nauunawaan namin ang pangamba ng iba dahil sariwa pa sa ating mga isipan ang dulot ng side effects ng bakunang Dengvaxia. Ang libreng COVID vaccination program po ay magiging voluntary para po sa mga Antipolenyong nais magpabakuna,” ani Ynares.
Bahagi pa ni Ynares, naka-standby na ang health team ng lungsod para sa target rollout at implementasyon ng programa na maaaring magsimula sa 3rd o 4th quarter ng 2021.
Comments