top of page

Contribution Subsidy Provider Program, tulong sa SSS members na ipagpatuloy ang paghuhulog

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 27
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | July 27, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Ang Corporate Social Responsibility Unit ng aming kumpanya ay nagnanais makatulong sa mga miyembro ng SSS na hindi nakapagpatuloy ng paghuhulog nila ng buwanang kontribusyon sa SSS. Kaya nais sana naming malaman kung ano ang bagong ninyong program na tinatawag na Contribution Subsidy Provider Program? Salamat.  — Lani, Taguig City



Mabuting araw sa iyo, Lani!


Inilunsad ng SSS noong 2022 ang Contribution Subsidy Provider Program o CSPP upang matulungan ang mga miyembro na hindi nakapagpatuloy ng paghuhulog nila ng buwanang kontribusyon dahil na rin sa kakulangang pinansyal.


Sa ilalim ng CSPP, hinihikayat ng SSS ang mga indibidwal at grupo nai-subsidize nila ang buwanang kontribusyon ng mga SSS member lalo na ang mga miyembro na nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang paghuhulog. Tatawaging silang contribution subsidy provider.


Sa pamamagitan ng programang ito, nagtutulungan ang SSS at contribution subsidy provider upang maipagpatuloy ng mga self-employed, land-based overseas Filipino workers (OFWs), o voluntary member ang paghuhulog ng SSS contributions at mabigyan sila ng nararapat na social security coverage. 


Ang contribution subsidy provider ay maaaring galing sa pribadong o pampublikong sektor. 


Sa ilalim ng program, babayaran ng contribution subsidy provider ang hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon ng napili niyang SSS member. Kaya, kung ang inyong kumpanya ay nagnanais maging isang contribution subsidy provider, bibigyan kayo ng SSS ng Certification with Undertaking o Memorandum of Agreement (MOA) at ituturing na kayong isa sa mga coverage at collection partner ng ahensya.


Online ang registration para rito. Maaari ninyong bisitahin ang aming website, www.sss.gov.ph. Hanapin ang “Be a Contribution Subsidy Provider” at i-click ang “Apply”. Punan mo ang mga kinakailangan impormasyon upang maging ganap kayong contribution subsidy provider.  


Maaari ninyong bayaran ang kontribusyon ng inyong napiling miyembro o mga miyembro sa tellering facilities na nasa mga sangay ng SSS o sa mga SSS-accredited collection partner.


Hinahangad ng SSS na sa tulong ng mga indibidwal o grupo na may mabuting kalooban ay maiabot natin ang SSS coverage sa mga manggagawa sa informal sector at mga land-based OFWs. Ang mga manggagawang ito ang may pinakamababang social security coverage sa ating workforce sa kabila na sila ay kabilang sa pinaka-vulnerable na sektor ng lipunan.


Halimbawa ng CSPP ay ang kasunduan na nilagdaan nina SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes de Claro at DoubleDragon Chairman Edgar “Injap” Sia II noong Marso upang i-subsidize ang SSS contributions ng 2,000 informal sector workers mula sa mga lungsod ng Iloilo at Roxas sa loob ng 12 buwan. Dagdag pa rito, ang Life Builder Fellowship, isang church organization sa Central Luzon ay sumali na rin sa CSPP noong Mayo upang bigyan ng social security protection ang kanilang 10 church volunteers. Nakibahagi na rin sa programa ang iba pang LGUs gaya ng Victorias City para bigyan ng isang taong subsidiya ang 495 barangay health workers at 26 nutrition scholars para sa kanilang SSS contributions. 


Ang pagsubsidiya sa kontribusyon ng isang SSS member ay itinuturing ng SSS na pinakamagandang regalo na maaaring mabibigay ng isang Pilipino sa kapwa niya Pilipino.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page