top of page
Search
  • BULGAR

Confused kung tatanggapin ulit ang nambabaeng mister

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 16, 2022


Dear Sister Isabel,


Sobrang sakit ng nararanasan ko mula nang iwanan ako ng asawa ko. Buong buhay ko ay inukol ko sa kanya at sa dalawa naming anak. Inuna kong maglingkod nang buong puso at pagmamahal sa asawa ko, pero iiwan at ipagpapalit niya lang pala ako sa iba. Wala akong nagawa kundi tanggapin ang mga pangyayari.


Nakaka-move on na sana ko at maluwag nang natatanggap ang ginawa ng asawa ko. Halos dalawang taon na at maayos kong naitaguyod ang buhay naming mag-iina, pero bigla na naman akong nagkaproblema. Gustong bumalik sa akin ng asawa ko dahil nagsisisi na raw siya sa ginawa niya at hiwalay na sila ng kabit niya. Nagmamakaawa siya na tanggapin ko siya at magsimula kaming muli, alang-alang sa aming anak.


Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Hanggang ngayon ay hindi pa naghihilom ang sugat sa puso ko dahil sa ginawa niyang pagtataksil. Sana ay magabayan n’yo ako sa dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

Carmencita



Sa iyo, Carmencita,


Sadyang napakasakit ng ginawa sa iyo ng mister mo. Ang buhay may-asawa ay sadyang ganyan. Hindi puro sarap, tiyak na daranas din ng hirap. Hindi palaging masaya dahil darating ang mga kalungkutan.


Gayunman, lahat ng problema ay may solusyon dahil walang permanente sa mundo. Makabubuting limutin mo na ang nakaraan, ‘ika nga, past is past. Burahin mo na sa isip mo ang nangyari, gaanuman ito kasakit. Walang mabuting mangyayari kung palagi kang nakabaon sa nakaraan. Hindi mo masasagap ang magagandang bagay kung hanggang ngayon ay alipin ka pa rin ng nakaraan.


Samantala, patawarin mo na ang asawa mo at muli mong buksan ang iyong puso. Love is lovelier the second time around, ‘ika nga. Natitiyak kong sa pangalawang pagkakataon, mas mamahalin ka pa ng asawa mo at babawi siya sa iyo. Pati ang mga anak n’yo ay labis na matutuwa dahil nabuong muli ang pamilya n’yo.


Forgiveness is the key. Makikita mo na luluwag ang iyong kalooban at mapansin mong patuloy na dadaloy ang mga pagpapala sa buhay n’yo. Magaan itong mapasasainyo dahil natutunan mong magpatawad sa isang taong nagkasala sa iyo.


Higit sa lahat, maiisip mo na ikaw ay makasalanan din at hindi ka perpekto. Paano kung hihingi ka ng tawad sa Diyos, paano ka Niya patatawarin kung ikaw ay hindi marunong magpatawad? Nawa’y naunawaan mo ang gusto kong iparating sa iyo.


Lakip nito ang dalangin na mabuong muli ang pamilya mo, maging maligaya at hindi na maulit pa ang masakit na pangyayari noon.


Sumainyo nawa ang walang hanggang pagpapala at biyaya ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page