Buwis-buhay para sa pamilya, ayaw umaming malapit nang matsugi
- BULGAR
- Aug 9, 2021
- 3 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 09, 2021
Dear Sister Isabel,
Matagal ko nang gustong sumangguni sa inyo, pero nahihiya akong malaman ng iba ang problema ko. Ngunit noong mga nakaraang araw, nahihirapan na akong dalhin ito. Panganay ako sa limang magkakapatid, naulila ako agad sa ama dahil nalunod siya noong 12-anyos ako. Solo ng nanay ko ang pagpapalaki at pagpapaaral sa aming magkakapatid. Tindera ng mga gulay at prutas ang nanay ko at hindi magkasya sa aming lahat ang kita niya kaya nangungutang lang siya ‘pag kinakapos. Dahil d’yan, ang sabi ko sa nanay ko, titigil muna akong mag-aral at tutulong sa kanyang maghanapbuhay. Noong una, ayaw niyang pumayag, pero pumayag din siyang huwag muna akong mag-college. Awa ng Diyos, nakapasok akong assistant sa isang computer shop. Mabait naman ang may-ari at madalas akong nag-o-overtime para may pandagdag sa suweldo ko. Natuwa ang nanay ko dahil hindi na kami kinakapos sa budget at hindi na rin siya nangungutang.
Dahil sa sobrang sipag ko sa trabaho at halos wala na sa oras ang kain ko, nagkasakit ako. Na-diagnose na stage 4 na pala ang lung cancer ko. Labis akong nalungkot at hindi ko alam kung paano sasabihin sa aking pamilya ang kalagayan ko. Hindi nila napapansin dahil likas sa akin ang pagiging komedyante, palagi kong pinapatawa ang nanay at mga kapatid ko kapag nakikita kong wala sila sa mood.
Laughing outside, crying inside ang natural na ugali ko, ano ang dapat kong gawin para masabi ko nang hindi gaanong mabibigla ang pamilya ko sa aking kalagayan? Ang sabi ng doktor, tatlong buwan na lang ang itatagal ng buhay ko.
Umaasa akong matutulungan ninyo ako sa problemang gumugulo sa isip ko. Hindi ko na kayang sarilihin ito. Sana ay mabigyan ninyo ako ng nararapat na payo.
Nagpapasalamat,
Jacob ng Valenzuela
Sa iyo, Jacob,
Hinahangaan kita sa pagdadala mo ng problema. Likas sa iyo ang pagiging mabait at mapagmahal sa pamilya dahil ayaw mong masaktan at malungkot sila kapag nalamang may taning na ang buhay mo.
Sa lalong madaling panahon, malalaman din nila ang sakit mo kaya marapat lamang na ipagtapat mo na sa kanila ang kalagayan mo hangga’t hindi pa huli ang lahat. Sa umpisa, tiyak na labis silang malulungkot, pero paglipas ng mga araw ay matatanggap din nila na mawawala ka na sa piling nila. Makabubuting sama-sama kayong magdasal tuwing gabi bago matulog at hilingin sa Diyos na huwag ka muna Niyang kunin. Taimtim kang magdasal sa Dakilang Lumikha na habaan pa ang iyong buhay. Mangako ka na kapag dinugtungan pa ang buhay mo, ito ay gugugulin mo sa mga gawaing espirituwal. Hindi materyal na hangarin sa buhay ang prayoridad mo kundi makadiyos na gawain na mag-aakay sa mga tao upang talikuran ang masama at piliin ang landas ng kabutihan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Walang imposible sa Diyos, basta’t ikaw ay hihingi ng tawad sa iyong mga kasalanan at tatahakin ang landas ng pagpapakabanal. Ang Diyos ang lumalang sa atin, Siya rin ang magdurugtong sa buhay natin kung ito’y ating hihilingin. Sa palagay ko, malaki rin ang maitutulong ng pamilya mo kung pati sila ay hihiling sa Diyos na pagalingin ka at bigyan pa ng mahabang buhay. Alalahanin at palagi mong isipin, the family prays together, stays together. Two or three people prays together, the holy spirit is there. Ngayon pa lang ay natitiyak ko, maghihimala ang Panginoon, bibigyan ka pa Niya ng mahabang buhay at patuloy na makakatulong sa iyong pamilya at sa mga taong nakapaligid sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments