top of page
Search
  • BULGAR

Buwis-buhay na naman sa ayuda

@Editorial | April 09, 2021



Kumusta ang bigayan ng ayuda?


Tulad din ba sa isang barangay na dinagsa? Kung saan grabe ang pila, dikit-dikit, pati ang mga senior citizens at buntis, naglabasan at inabot na ng hatinggabi ang bigayan.


Parang walang COVID-19. Nakalimutan na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ). Dedma sa physical distancing at curfew.


Nakapanlulumo dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkabigayan ng ayuda, pero marami pa rin ang pasaway at palpak na naman ang sistema ng distribusyon.


Naulit lang ang kaguluhan noon, kailan ba tayo matututo?


Nariyan na ang listahan, tukoy na ang bilang, hindi ba uubra na mag-isip ng ibang paraan na hindi na kailangang dumagsa sa isang lugar ang mga tatanggap ng ayuda?


Kung inaasahan na natin na libu-libo ang magpupuntahan, bakit hindi na lang idinaan sa padala tulad sa ibang lugar? Isang text lang, maipamimigay na ang ayuda. Hindi na kailangang pumila nang mula umaga hanggang hatinggabi, maiiwasan pang malantad sa banta ng anumang sakit.


Sistema talaga ang isa sa mga nagiging problema tuwing nagkakaroon ng ganitong gawain.


At bilang mga lider, sa inyo nakasalalay ang magiging pagkilos ng inyong mga nasasakupan. Sumusunod lang naman sila sa kung ano ang inyong sasabihin. Maaaring hindi maiwasan ang mga matitigas ang ulo, pero sa kabuuan kayo pa rin ang susundin ng karamihan at patunayan ninyong may batas at mga panuntunang dapat sundin.


Sana, sa pagpapatuloy ng pamimigay ng ayuda ay hindi na maulit ang buwis-buhay na mga eksena para sa ayuda.


Anong mangyayari sa isa o apat na libong piso kung ang kapalit ay pagkakasakit?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page