top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Buking na may kabit ang mister pero takot komprontahin

BULGAR
Aug 29, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 29, 2022


Dear Sister Isabel,


Isa akong OFW, dito na rin ako nakapag-asawa sa ibang bansa, at kasamahan ko sa trabaho ang napangasawa ko. Noong una ay masaya kami, pero kamakailan, napapansin ko na madalas ay mas gusto niyang maglakwatsa kasama ang barkada niya kaysa sa akin. May dalawa na kaming anak at napansin ko rin na hindi na siya gaanong sweet sa akin tulad noon.


Malaki ang ipinagbago niya, kaya naman nagmasid-masid ako at inalam kung bakit siya nagbago. Natuklasan ko na may bago siyang kinahuhumalingang babae, hindi naman siya maganda, sexy lang.


Hindi ako nagpahalata sa kanya na alam kong may kinalolokohan siyang iba, pero sa totoo lang, napakasakit nu’n sa kalooban ko. Natatakot akong sitahin siya dahil baka tuluyan na niya kaming iwanan ng mga anak ko at ibahay ‘yung kabit niya.


Ano ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Ana ng Dubai


Sa iyo, Ana,


Kumilos ka na bago pa mahuli ang lahat. Huwag mong hayaang tumagal pa ang pagkahumaling ng asawa mo sa iba. Sa palagay ko ay gusto niya lang tumikim ng ibang putahe at baka napapabayaan mo na ang iyong sarili. Marahil, hindi ka na kasing bango at kasing sexy gaya noong nakilala ka niya. Baka kailangan mong magpa-sexy ulit at palaging mabango, gayundin, dapat ay palagi kang malambing sa kanya. Kumbaga, ibalik mo ang mga bagay na nagustuhan niya sa iyo kaya ka niya pinakasalan. Huwag mong pabayaan ang iyong sarili at mapapansin mo na walang sinumang babae na makakaakit sa asawa mo.


Gayundin, panatilihin mo ang pagiging malambing at maalalahanin. Natitiyak ko na mamumulat ang mga mata ng asawa mo at ititigil niya ang pagkahumaling sa babae niya ngayon at babalik ang dating lambing niya sa iyo.


Kung hindi pa rin siya magbago, ipaglaban mo na ang iyong karapatan at kausapin mo siya nang masinsinan sa mahinahong pananalita.


Akala niya siguro ay hindi mo pa alam ang kanyang kalokohan. At least, nabigyang-babala mo na siya at mag-iisip-isip na siya at tiyak na pipiliin niya kayo ng mga anak mo kaysa sa kalaguyo niya.


Ipanatag mo ang iyong loob, lahat ng problema may solusyon. Aayon sa iyo ang tadhana, basta hindi ka gumagawa ng masama at hangad mo ay pawang sa ikabubuti ng pamilya mo.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page