top of page
Search
  • BULGAR

“Build-build-build” noon, “plant, plant, plant” ngayon

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 23, 2022


Bidang-bida noong kasagsagan ng pandemya ang mga plantita at plantito, ngayon ay umiingay na naman sila sa pagtatanim ng gulay o punong namumunga. Kung mahalaga ang pagbili, paghingi at pagpapadami ng mga “ornamentals” o halamang pang-hardin noong panahon ng pandemya, kakailanganin pa rin ng bansa ang nahahawig na diwa para sa pagtatanim ng anumang makakain mula bigas, gulay o punong namumunga.


Kung ang dahilan ng pagiging plantita/plantito noon ay ang pangangalaga sa kalusugang mental at emosyunal na nakasentro sa sarili, maganda at mahalagang palaganapin ang pagtatanim ng pagkain na hindi lang pakikinabangan ng indibidwal, kundi ng mga pamayanan, barangay, bayan, siyudada, lalawigan at ng buong bansa. Ngunit, hindi ito magiging madali. Kailangan ang malawakang edukasyon at motibasyon para unti-unting maawat ang marami sa mga gawaing lubhang pansarili at maaaring makasarili rin.


Kung hindi nagpabaya ang mga naunang pamahalaan at ang taumbayang nasasakupan ng mga ito, hindi sana nawala at tuluy-tuloy ang nanghihinang pagmamahal sa kalikasan at sa produksyon sa iba’t ibang taniman at sa karaniwang palayan. Ngunit, kakaunti na ang mamamayang nagmamalasakit at nagmamahal sa kabukiran, sa dagat, lawa at batis. At ang kaunting ito, wala masyadong masasabi tungkol sa kung paano unti-unting naglaho hanggang sa manganib na ang likas at sinaunang kakayahang magmahal at humanga sa sakahan at kalikasan.


Kung natural ang karaniwang katangian ng ugali at kamalayan ng marami, plastic naman ngayon. Dahil malapit ang mga sinaunang Pinoy at Pinay sa kalikasan, hindi malayo ang naturang ritmo ng kalikasan sa pang-araw-araw nilang buhay. Natutulog o naghahanda na matulog kapag takipsilim na. At unti-unting gumigising at bumabangon bago magbukang-liwayway. Gising sa araw, tulog sa gabi ang karaniwang ritmo ng tao noon. Dahil sa mabilis na pag-unlad ng agham at partikular na ang “digital” o “cyber” technology, hindi na kalikasan, kundi ang “computer” ang nagdidikta ng pagkilos ng lahat.


Aanhin pa ang mga daan, tulay, airport o daungan kung wala namang taong ligtas na lumabas, mahalagang bumalik sa mundo ng espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. At ito ang itinuro ng pagtatanim ng mga halamang pang-hardin noon. Kung natuto tayong muling makipagkaibigan kay Inang Kalikasan, gayundin ang gagawin sa ating kapwa at sa Panginoon.


Malinaw na hindi tayo iniligtas ng “Build, Build, Build,” subalit handa na tayong bumalik sa isa’t isa, sa mga kamag-anak, kaibigan, kasama at kababayan, lalo na sa sarili at higit sa lahat ay sa Panginoong Diyos.


Mapanganib ang panahon, marami ang magugutom kung hindi tayo makikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon, tulad ng pamahalaan at ng simbahan. Ngunit, higit pa sa mga institusyong nabanggit, isa pang makapangyarihang pwersa ay ang sektor ng mga magsasaka at nagtatanim. Kilala natin silang bumabangon ng umaga upang sariwain ang kanilang kaugnayan kay Inang Kalikasan, bago magtanim at pagyamanin ang mga bukid at gulayan. Kilala natin silang sanay mag-’plant, plant, plant’. Sabayan at samahan natin sila upang mapakain ang lahat.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page