top of page

Buhay ng kabataan, winawasak ng droga

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20
  • 2 min read

by Info @Editorial | Jan. 20, 2025



Editorial

Isa pa rin sa mga pinakamabigat na isyung kinahaharap ng ating lipunan ay ang patuloy na paglaganap ng ilegal na droga.


Hindi maitatanggi na isa sa mga pinakaapektadong sektor ay ang mga kabataan, partikular na ang mga estudyante. Ang tanong, paano natin ito lalabanan? 


Minsan, ang mga estudyante na hindi pa lubos na nakakaintindi sa mga epekto ng kanilang ginagawa, ngunit dahil sa peer pressure, kakulangan sa gabay mula sa pamilya, o kaya’y kahirapan, ay nahuhulog sa mga bisyong ito. 


Ang masaklap pa, madalas hindi rin sapat ang mga programa at sistema ng mga paaralan at komunidad upang tugunan ang problemang ito nang maaga. 


Sa halip na pagyamanin ang kanilang mga pangarap, ang ilang kabataan ay unti-unting nawawasak ng drugs.


Isang malaking bahagi ng problemang ito ay ang mga sindikato ng droga. Minsan, ang mga dealer ng droga ay gumagamit ng mga diskarte upang makuha ang tiwala ng mga estudyante, na kadalasan ay madaling maimpluwensyahan. Sila ‘yung may mahihinang pundasyon sa pamilya at lipunan. 


Upang labanan ang problemang ito, kinakailangan ng mas malalim na pagtutok. 

Kailangang magpatuloy ang mga programa ng edukasyon hinggil sa mga panganib ng droga, at maging bukas ang mga guro na pag-usapan ang mga isyung ito sa mga kabataan. 


Dapat ding magkaroon ng mas maigting na kooperasyon ang pulisya at mga lokal na pamahalaan, upang mapigilan ang pagpasok ng droga sa komunidad. 


Mahalaga rin ang suporta ng pamilya. Kung ang bawat magulang ay mas magiging aktibo sa pagtutok sa kanilang mga anak, mas magiging ligtas ang kanilang buhay. 

Ang pagbibigay ng sapat na pag-aaruga, gabay at tamang kaalaman sa mga kabataan ay makakatulong upang maiwasan nilang maging biktima ng droga. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page