Binatang todo-selos sa bf ng girl na gustong ligawan
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 28, 2022
Dear Sister Isabel,
Bakit kaya ganito ang buhay sa mundo, kung sino ang gusto mo ay ayaw sa iyo, at kung sino ang ayaw mo, siya namang may gusto sa iyo? Ganyan ang nararanasan ko ngayon dahil gustong-gusto ko ang kapitbahay ko. Hindi siya kagandahan, simple lang pero type na type ko siya. Gusto ko siya at ramdam ko na umiibig ako sa kanya, pero mailap siya sa akin. Parang umiiwas siya sa akin at hindi tulad noon very close kami at masayang nagbibiruan. Nakahalata yata siya na mahal ko siya at gusto ko siyang makasama habambuhay, pero may iba pala siyang mahal. May boyfriend na siya at sweet na sweet sila. Kapag hinahatid siya ng boyfriend niya ay kitang-kita ko sa bintana namin at nagseselos ako.
Sa kabilang dako, mahal na mahal naman ako ng officemate ko. Siya ang nagpaparamdam at hindi niya itinatago ang nararamdaman niya sa akin na type niya ako at gustong makasama habambuhay. Kaya lang, wala akong nararamdaman sa kanya at hanggang friends lang ang turing ko sa kanya dahil gusto ko pa rin talaga ang kapitbahay ko.
Umaasa ako na balang-araw ay magugustuhan niya ako at kami ang magkakatuluyan. Itutuloy ko pa rin ang panliligaw sa kanya kahit alam ko na may boyfriend siya pero hindi pa naman sila kasal. Tama ba ang gagawin ko?
Mahal na mahal ko siya at hindi ko kaya kung hindi kami ang magkakatuluyan. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Jerico ng Nueva Ecija
Sa iyo, Jerico,
Sadyang mapagbiro ang pag-ibig at kadalasan ay ganyan nga— kung sino ang gusto mo, ayaw naman sa iyo. At kung sino ang ayaw mo, siya namang patay na patay sa iyo. Sa aking palagay, bawat isa ay may katapat sa buhay. May kabiyak ng puso sa mundong ibabaw o ‘yung tinatawag na destiny. Huwag mong ipilit ang iyong sarili sa taong ayaw naman sa iyo at may mahal nang iba. Darating din ang para sa iyo sa takdang panahon, at kahit umiwas ka ay kayo pa rin. Destiny leads you to her.
Naniniwala akong malapit mo nang makilala ang itinakda ng tadhana sa iyo at hindi mo siya maiiwasan. Umiwas ka man, kayo pa rin. Pagdating sa pag-ibig, hindi hinahanap ‘yan dahil kusang dumarating at magugulat ka na lang na nar’yan na pala siya. Napakabilis, walang kaabog-abog, may ibinigay na pala sa iyo ang Diyos na siyang katapat mo at sadyang itinadhana sa iyo.
Kalimutan mo na ang kapitbahay mo. Pabayaan mo na siya sa lalaking mahal niya na sabi mo nga ay sweet na sweet sila kaya nagseselos ka. Hintayin mo na lang ang babaeng itinakda sa iyo ng kapalaran. Nararamdaman ko na parating na siya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments