ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 12, 2024
“Good job, Nhel!” Bati niya sa kanyang sarili.
“Isa nga lang ba iyong palabas?” Dagdag tanong niya sa sarili na may kasamang pagdududa. Para naman kasing bukal na bukal sa loob niya ang mga ginagawa niya para kay Via.
“Tumigil ka nga!” Iritadong sabi niya, marahil kailangan niyang ulit-ulitin ang sinasabi ng kanyang sarili para matandaan niya iyon. May mga pagkakataon kasi na nakakalimutan niya rin ang kanyang paghihiganti.
“Ang lalim naman niyan,” wika ni Via.
Kumunot ang noo niya. Sa ilang sandali kasi ay hindi niya alam ang ibig nitong sabihin, pero agad din niya itong naunawaan nang dugtungan ni Via ang sinabi niya na, “Ang lalim ng buntong hininga mo. Narito lang naman ako, kaya ‘wag mo na akong isipin.”
“Ang lakas ng fighting spirit mo. Mana ka talaga sa ama mo,” sarkastiko niyang sabi.
“Talagang galit ka kay Tatay Pedro no?”
“Kailanman, hindi mawawala ang galit ko sa kanya.”
“Why?”
“Mind your own business,” inis niyang sambit.
“Pakiramdam ko, may kinalaman ang pagiging magkamukha n’yo.”
“Ang nanay ko ang kamukha ko.”
“Mas kamukha mo ang Tatay Pedro.”
Naningkit ang mga mata ni Nhel. Hindi niya kasi akalain na paprangkahin niya ni Via.
Gayunman, wala naman siyang naramdamang galit dito. Bagkus mas lumambot pa ang kanyang puso, para tuloy gusto niyang mainis sa kanyang sarili dahil hindi naman siya mabait na tao.
“Tumigil ka nga sa sinasabi mong kalokohan. Kailanman, hindi ko matatanggap na ama ko si Pedro Pedral!”
“So ibig sabihin, anak ka talaga niya?”
“Inanakan niya lang ang ina ko!” Galit na galit na bigkas ni Nhel.
Bigla na naman kasing pumasok sa isip niya ang pambu-bully na natanggap niya noong siya’y bata dahil lang sa wala siyang ama.
Itutuloy…
Commentaires