Bilyonaryong Mafia ang Mahal Ko (2)
- BULGAR
- Feb 7, 2024
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 7, 2024

Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan habang nakatitig sa screen ng kanilang telebisyon na may sukat na 32 inches.
Talaga naman kasing nakakainggit kapag nagkakaroon ng nakakakilig na eksena ang mga bida sa Korean telenovela.
Kahit naman kasi 21-anyos na siya, naniniwala pa rin siya sa happily ever after. Iyon kasi ang sabi ng kanyang ina noong nabubuhay pa ito na sa takdang panahon, matatagpuan niya rin umano ang lalaking karapat-dapat para sa kanya.
Ngunit, paano? Parang napakaimposible namang makatagpo siya ng isang prinsipe na sobrang guwapo kung siya ay naninirahan lamang sa isang squatter area.
Hindi naman kasi siya palalabas, maliban na lamang kung may trabaho siya. Ngunit, paano na ngayon? Wala na rin siyang trabaho. Pinatalsik siya sa trabaho dahil panay ang pagpapa-cute sa kanya ng boyfriend ng kanyang amo.
Kahit naman kasi namamasukan lang siya bilang waitress, maganda at kaakit-akit pa rin ang kanyang pangangatawan, kaya hindi rin nakapagtataka kung bakit madaming nagkakagusto sa kanya.
Dapat nga ba niya iyon ikatuwa? Hindi, dahil kahit wala siyang ginagawang masama, siya ang laging nasisisi. Hindi naman kasi niya ginusto na mainlab sa kanya ang mga lalaking taken na.
Siya nga pala si Olivia Castro, Via for short.
Wala na ang kanyang ina at ama. Pero, mayroon naman siyang Tatay Pedro.
Si Pedro Pedral ang naging asawa ng kanyang nanay. Hindi man ito ang kanyang tunay na ama, pero nagawa nitong magampanan ang pagiging mabuting asawa at ama sa kanila.
Kaya, paano siya hindi maniniwala sa pag-ibig kung nakita niya iyon sa ina at sa kanyang Tatay Pedro.
Pagkaraan ay napailing siya dahil mula nang mamatay ang kanyang ina dahil sa aksidente.
Kahit hindi kasama ang Tatay Pedro, para na rin itong namatay dahil unti-unting itong nagbago.
“Aalis na tayo sa lugar na ito,” malakas na sabi ng kanyang Tatay Pedro.
“Bakit po?”
“Dahil papatayin nila ako kapag hindi ko nabayaran ang utang ko,” anitong nanginginig ang boses sabay hagulgol.
Itutuloy…








Comments