top of page

Bilyonaryong Mafia ang Mahal Ko (1)

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2024
  • 2 min read

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 6, 2024


ree

UNANG LABAS. 

 

Si Nhel Zamora ay ang klase ng tao na ‘di nagpapautang, pero may dahilan kaya niya pinautang nang pinautang si Pedro Pedral. 


Ibig niya kasi itong malubog sa utang, at nais din niyang makiusap ito sa kanya para maisagawa niya ang kanyang paghihiganti. 


Kahit na lumaki siyang mayaman, hindi sapat iyon para maging masaya ang kanyang buhay. Mahirap maging masaya, lalo na kung may kulang sa pagkatao mo, at iyon ay ang pagkakaroon niya ng ama.


Hindi man sinabi ng kanyang ina kung ano’ng kinahinatnan ng kanilang love story, narinig naman niya iyon sa kanilang mga katulong.“Napaaway na naman ang alaga ko,” wika ng kanyang Yaya Mameng.“Nakita ko nga may pasa na naman ang alaga mo,” wika naman ng isa pa nilang katulong na si Asunta. 


Sila ay mayroong tatlong kasambahay, pero kabilang na roon ang kanyang yaya na walang ibang ginawa kundi tutukan ang kanyang mga pangangailangan. 


“Ano bang nangyari?” Tanong naman ni Bebang - ang pinakatsismosa sa tatlo. 


“Tinukso na putok sa buho,” wika niya.Nanlaki ang kanyang mga mata nang narinig niya iyon. Hindi naman niya kasi sinabi ang dahilan kung bakit siya napaaway kaya ikinagulat niyang alam iyon ng kanyang yaya.“Nasaan ba kasi ang tatay ni Nhel?” Tanong ni Bebang.“Tsismosa ka talaga,” sagot naman ni Asunta.


“Nalunod yata sa isang mangkok na sabaw,” sambit naman ni Yaya Mameng. 


Si Yaya Mameng ang nag-alaga sa kanyang ina noong bata ito, kaya hindi na rin ito nagkaroon pa ng oras para makapag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya.“Paanong nangyari iyon?” 


“Ayaw sa kanya ng mga magulang ni Marie,” 


Ang tinutukoy nilang Marie ay ang Ina ni Nhel Zamora. 


“Dahil mahirap lang ito?” Pagtatanong ni Asunta.“Hindi lang dahil sa mahirap, kundi dahil ambisyoso ito. Pinaibig niya lang nang husto si Marie at binuntis dahil nais niyang makaahon sa kahirapan. Hindi iyon pinayagan nina Senyor at Senyora. Sabi ng mga ito, mas gugustuhin pa nilang maging disgrasyada ang kanilang anak, kaysa maloko ni Pedro Pedral na wala rin namang pakialam. Dahil ‘di na ito bumalik pa nu’ng itaboy ito ng mga magulang ni Marie.”Marami pang pinag-usapan ang trio tsismosa, pero ang pinakatumatak sa kanyang isipan ay ang pangalan ng lalaking iyon na si Pedro Pedral.

 

Itutuloy…

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page