Bf na tutol sa pag-a-abroad, hihiwalayan dahil pursigidong tuparin ang pangarap
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 5, 2022

KATANUNGAN
Nag-a-apply ako sa abroad, pero maraming hadlang. Noong 2020, aalis na sana ako, pero nagka-pandemic. Tapos noong nag-aayos na ulit ako ng mga papeles, nagka-boyfriend ako at nang malaman niyang mag-a-abroad ako, ayaw niyang pumayag, lalo na nang malaman niyang maliit lang ang suweldo at kaya ko naman daw kitain dito.
Kaya lang, hindi niya maintindihan na bata pa lang ako ay pangarap ko nang mangibang-bansa. Ngayon, kung hindi niya talaga maiintindihan o irerespeto ang desisyon ko, tama ba ang balak kong makipag-break o makipag-cool off, tutal, dati namang wala siya sa buhay ko ay okay ako at minsan, naiisip ko na hindi rin kami compatible dahil imbes na umunlad ang aking experience at pagkatao, siya pa ang nagiging hadlang.
Malapit nang dumating ang visa ko mula sa aking employer, tama ba ang desisyon kong ito, piliin ko ang mag-abroad at isakrispiyo ang aking love life?
KASAGUTAN
Pakiramdam ko, hindi mo mahal ang nobyo mo o napaka-possessive niyang tao. Sabagay, alinman ang tama o totoong nararanasan mo sa dalawa, sa bandang huli, ang malinaw at maaliwalas pa ring Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ang mananaig at masusunod. Ibig sabihin, mas posibleng makipag-break ka sa kanya kaysa hadlangan niya ang pag-unlad ng iyong personalidad at karanasan.
Ang pag-aanalisang may rebellious tendency ka sa lahat ng bagay, sitwasyon at pangyayari ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 13 sa zodiac sign na Aquarius. Ibig sabihin, pigilin ka man ng buong mundo sa isang bagay na matagal mo nang binabalak o napagpasyahan, tama man o mali ito, tulad ng nasabi, dahil ikaw ay may rebellious character, wala silang magagawa. Ang desisyon mo pa rin ang mananaig at matutupad, na mabuti namang nagkataong maganda at okey ang iyong Travel Line (t-t arrow a.) na nagpapahiwatig ng masagana at mabungang pangingibang-bansa.
MGA DAPAT GAWIN
Tulad ng naipaliwanag na, kaya nakikipagrelasyon ang isang tao ay para maramdaman niyang hindi siya nag-iisa sa buhay. Bagkus, may tapat at maaasahan siyang kasama. ‘Yun bang sa panahong iniwan ka na ng buong mundo, nand’yan pa rin siya sa tabi mo, sumisimpatya at nakikiramay sa iyo. ‘Ika nga, mayroon kang “shoulder to lean on”, na alam mong maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng pagkakataon.
Kaya mapalad ang mga babae at lalaking may karelasyong tapat, mapagmahal at maunawain, habang malas naman silang may karelasyon na imbes na samahan ka sa iyong pag-iisa at problema, siya pa ang palagi mong kaaway. Dahil sa halip na kampihan ka, kontra siya nang kontra sa iyo at sa ibang tao nakikisimpatya at naniniwala.
Kaya tama ang desisyon mo, Jenifer, imbes na manatili sa ating bansa, ituloy mo ang matagal mo nang pangarap na pag-a-abroad. Dahil ayon sa iyong mga datos, sa taon ding ito ng 2022, pagpasok ng buwan ng Mayo, tiyak ang magaganap — may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments