top of page

BF na ‘di pala hiwalay sa asawa, dapat nang iwanan para ‘di maging kabit habambuhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 15, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 15, 2020




KATANUNGAN

  1. Nagkakilala kami ng boyfriend ko, mahigit apat na taon na at ang alam ko ay hiwalay na siya sa asawa. Pero matagal na kami nang malaman kong hindi pa pala sila hiwalay. Naglihim siya sa akin at dahil mahal ko siya, wala na akong nagawa.

  2. Ang gusto kong malaman ay kung kami na ba ang para sa isa’t isa, at siya na ba ang lalaking itinakda sa akin dahil kung sila pa rin ng asawa nya, tatanggapin ko nang maluwag at kung saan siya magiging masaya ay masaya na rin ako. Ibig kong sabihin ay makikipaghiwalay na ako sa kanya.

  3. Kaya ang gusto kong malaman ganito, kung halimbawang may mag-asawa na nagkahiwalay ay parehong hindi maganda at hindi maayos ang Marriage Line nila o kahit isa lang sa kanila ang hindi maayos ang Marriage Line, magkakahiwalay din ba sila? O maaari rin bang ganito, kahit parehong maayos at maganda ang Marriage Line nilang mag-asawa, pero dahil maraming nanguggulo o nakaka-impluwensiyang tao sa kanilang relasyon ay magkakahiwalay din ba sila?

KASAGUTAN

  1. Alam mo, kung sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay siya sa kanyang asawa at pagkatapos ay nakita mong kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad nilang mag-asawa, at nagkataong maganda rin ang kanyang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak, naputol o nasira, ibig sabihin nito ay maaaring hindi siya nagsasabi ng totoo sa iyo. Sapagkat ang ibig sabihin ng magandang Heart Line (arrow b.) at maganda ring Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay patunay ng maayos, masaya at successful na family life.

  2. Ngayon, ‘wag mo nang intindihin kung ano ang Marriage Line o Heart Line sa palad ng misis ng boyfriend mo dahil ang totoo nito, kani-kanya ‘yan ng dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa dahil hirap na hirap na siya sa kabubuhat o kadadala ng mga problema nila sa pamilya, kaya pumangit ang Marriage Line at pati na rin ang Heart Line niya, samantalang ito namang asawa niya na pa-easy-easy ang istilo ng pamumuhay na parang buhay binata ay pinagkalooban ng magandang Marriage at Heart Line dahil ang totoo nito, puwedeng sabihin na hindi naman niya iniinda ang mga problema sa kanyang pamilya. Sa halip ay nagpapakaligaya at nag-e-enjoy lang siya sa kanyang ganu’ng buhay.

  3. Ibig sabihin, kani-kanya tayong guhit ng palad, tadhana at kapalarang pinapasan. Dagdag pa rito, iba ang pag-appreciate mo sa isang sitwasyon o pangyayaring nagaganap sa iyo at maaaring kahit parehong sitwasyon at pangyayari sa ating buhay ay iba naman ang pag-appreciate natin sa bawat pangyayaring nagaganap.

  4. Sa mas klarong paliwanag, maaaring namatay ang mahal mong alagang aso at isang linggo kang umiyak, habang alaga ko rin naman ang nasabing aso, pero isang araw lang ako umiyak at inilibing ko na agad. Pareho nating aso ang namatay, ang problema, dahil magkaiba tayo ng guhit ng palad, masyado kang sentimental habang ako naman ay hindi. Bagkus ay praktikal ang porma ng aking Head Line, ay darating ang napakaraming problema sa buhay, lulugo-lugo ka at parang pinagsukluban ng langit at lupa, habang ang asawa mo namang “square” o “elementary” hand ay parang wala lang sa kanya ang mabibigat na problemang araw-araw na dumarating sa inyong pamilya.

  5. Kaya hindi mo maipagkukumpara ang sari-sariling palad na pag-aari ng iba’t ibang tao dahil kani-kanyang guhit at pag-appreciate ‘yan sa buhay, kapalaran, ikaliligaya at ikatatagumpay sa buhay.

  6. Ngayon, kung ganu’n ang nangyayari, hindi naman hiwalay ang boyfriend mo sa kanyang asawa, bagkus ay nananatiling buo ang kanilang pamilya, ngunit ipinipikit mo ang iyong mga mata sa katotohanan, huwag mo nang intindihin ang guhit ng kanyang palad. Sa halip, ang pag-aralan at intindihin mo ay ang sarili mong palad.

  7. Kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad at magulo o hindi maganda ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad at mayroon ka pang Influence Line, na tinatawag din nating Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay kasiguraduhan na tama ang sinasabi mo— ngayon pa lang ay tanggapin mo na ang nakatakda mong kapalaran na maging isang kerida habambuhay.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tunay ngang masarap umibig at magmahal dahil ang totoo nito, ang nasabing pag-ibig ay sadyang nakalalasing at minsan ay nakababaliw talaga.

  2. Gayunman, minsan, dapat tayong gumising sa katotohanan, na ang maling pag-ibig at pakikipagrelasyon ay sa pagsisisi at kalungkutan din mauuwi. Gayundin, wala kang dapat gawin ngayon, Abie, kundi ang wakasan ito upang sa 2021 ay makalaya ka na at magkaroon ng direksiyon ang iyong buhay sa isang bago at mas maaliwalas na landas ng kaligayahan habambuhay (arrow a.).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page