by Info @Editorial | Nov. 8, 2024
Pitong indibidwal ang inaresto dahil sa pagbebenta ng registered SIM cards online. Patunay ito na walang pakialam sa batas ang mga gumagawa ng ilegal.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at sa Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012, base sa mga pulis.
Ang talamak na bentahan ng registered SIM cards ay konektado sa pagdami ng mga online scam sa bansa.
Sa kabila ng mga hakbang ng gobyerno upang mapigilan ang mga krimen sa pamamagitan ng pagpaparehistro ng mga SIM card, patuloy na lumalala ang problema ng paggamit ng rehistradong SIM card sa mga scam at ilegal na aktibidad.
Bagama’t layunin ng SIM Card Registration Act na masugpo ang mga krimen tulad ng text scams, phishing, at identity theft, tila nagiging mahirap para sa mga otoridad ang pagsugpo sa mga ito.
Ang resulta, ang mga mamamayan ang pangunahing biktima ng mga scam. Marami ang nabibiktima ng mga pekeng premyo, investment schemes, at mga maling alok na ipinapadala sa pamamagitan ng text message. Dahil sa mga rehistradong SIM card na ginagamit sa mga scam, mahirap matukoy ang mga salarin at mas mabilis pa ang paglaganap ng kanilang mga modus operandi.
Kailangan ng mas matibay na aksyon mula sa gobyerno at mga telecommunication companies upang masugpo ang problema ng mga rehistradong SIM card na ginagamit sa scam.
Mahalaga rin na mas paigtingin ang mga parusa laban sa mga tindahan o indibidwal na nagbebenta ng mga SIM card sa ilegal na paraan.
Gayundin, mahalaga ang edukasyon at pag-iingat mula sa mga mamamayan. Ang pagiging mapanuri sa mga mensaheng natatanggap sa kanilang mga cellphone, pati na rin ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga otoridad, ay isang mahalagang hakbang upang matulungan ang mga ahensya sa paglaban sa mga scam.
Kung hindi tayo magtulungan, magpapatuloy ang pamamayagpag ng mga scammer na magdudulot ng malubhang epekto sa ating ekonomiya at kaligtasan.
Comments